Ni REGGEE BONOAN
PAKSA ng kuwentuhan ng entertainment press sa isang showbiz event ang mahusay na aktres na itinotodo na ang pag-arte pero hindi naman makitaan ng emosyon sa mukha dahil dinadaan na lang sa panlalaki ng mga mata.
“Eh, kasi plantsado na ang mukha niya,” sabi ng isang entertainment editor. “Meaning, wala ka nang makikitang reaksiyon kasi naka-botox. Ewan ko ba sa mga artista ngayon, ang hilig-hilig magpa-botox. Bakit ayaw nilang aminin na tumatanda na sila? Natural magkakaroon na ng lines, eh, itong si _____ (mahusay na aktres), hayan, sobrang kinis, walang lines ang forehead... sa ilalim ng eyes. Hindi na nga gumagalaw ang face niya, eh. Bibig na lang nga hindi maibuka nang husto.”
Hindi namin masyadong napapansin na ilado na pala ang mukha ng mahusay na aktres, kasi nga naiirita kami sa karakter niya bilang kontrabida. Kaya kapag siya na ang naka-flash sa screen, hindi na kami nanonood. Pero dahil sa narinig naming obserbasyon at komento ng mga katoto, sinusubaybayan tuloy namin ang bagong Botox Queen.
Ha-ha-ha, oo nga, idinadaan na lang sa pandidilat ng mata ang acting ng mahusay na aktres. Kaya natatawa kami kapag magkaeksena sila ng isa pang aktres na may ipinagawa rin sa mukha.
Naaalala kasi namin ang joke ng mga katoto: “Dalawang aktres na flashlights” kasi nga may paligsahan siya ng palakihan ng mga mata.
Oh well, ‘yun na kasi ang uso ngayon sa celebrities, kailangang dumaan sa siyensiya para manatiling walang kulubot ang mukha na idea yata nila ng maganda. Ito nga naman ang puhunan nila.
Ang problema, nagiging ilado o frozen ang mga mukha nila sa dami ng isinasaksak na chemicals.
Mabenta pa naman sa mga teleserye ang mahusay na aktres, marami pang offers sa kanya. Ibig sabihin, hindi pa napapansin ng karamihan ang pagiging Botox Queen niya.