Ni Kate Louise B. Javier

Labindalawang pakete ng hinihinalang shabu, baril at isang granada ang nakumpiska sa limang katao sa isa umanong drug den sa Navotas City, nitong Huwebes ng gabi.

Kinilala ang mga inaresto na sina Armil Villanueva 22; Jessie Catubig, 31; Rosendo Estacio, 38, at dalawang binatilyo na nasa edad 17 at 15, pawang residente sa Navotas City.

Sa ulat, nagsagawa ng Oplan Galugad ang mga tauhan ng Navotas City Police sa loob ng isang hinihinalang drug den sa Market 3, Barangay NBBN sa lungsod, dakong 9:00 ng gabi.

Marcoleta, pinigilang magtanong tungkol sa proposed ₱6.352-trillion 2025 nat'l budget

Inaresto ang mga suspek at narekober ang 12 pakete ng umano’y shabu, na nagkakahalaga ng P18,000; drug paraphernalia, isang caliber .38 pistol na kargado ng bala; at isang granada.

Ayon kay Senior Supt. Brent Madjaco, hepe ng naturang pulisya, kabilang si Villanueva sa drugs watch list ng pulisya.

“He had previous murder cases. He was one of the suspects in three shooting incidents last December 2017 and January this year,” ani Sr. Supt. Madjaco.

Samantala, ang ibang suspek ay pawang gumagamit umano ng ipinagbabawal na droga at kabilang sa bagong listahan ng drug personalities.

“The minors were being used as drug runners,” dugtong pa ng hepe.

Sasampahan ng kaukulang kaso sina Villanueva, Catubig at Estacio habang dadalhin sa City Social Welfare and Development ang dalawang menor de edad.