Nagbigay ng reaksiyon si dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV sa pahaging ni Sen. Rodante Marcoleta laban sa kaniya matapos niyang sumulpot sa Senado kamakailan dala ang warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.
Sa latest episode ng “One on One with Karen Davila” noong Linggo, Mayo 24, ipinaliwanag ni Trillanes na magkaiba umano ang “hamon” sa “utos.”
“Hindi ako inutusan ni Bato [na arestuhin siya]. Kasi may isang senador na nagsasabi, kahit ano raw ba ang sabihin sa akin ni Bato, gagawin ko? Hindi,” saad ni Trillanes.
Dagdag pa niya, “Iba ‘yong utos, iba ‘yong hamon. ‘Yong hamon, you have the option to accept the challenge. I accepted the challenge, and I was there. Gano’n lang po kasimple ‘yon.”
Matatandaang nahingan ng reaksiyon si Marcoleta hinggil sa pagtungo ni Trillanes noon sa Senado dahil sa hiling ni Dela Rosa. Ngunit sabi ni Marcoleta, “‘Pag sinabi ni Sen. Bato na kumain siya ng tae, kakain siya ng tae?”
Noong Mayo 2024, tahasang hinamon ni Dela Rosa sa ginanap na press briefing si Trillanes na sumama sa pagdakip sa kaniya.
Anang senador, “Go ahead, make my day, Mr. Trillanes! Sige kang ngalngal [nang] ngalngal diyan ng ICC. Sige! Go ahead. Kahit sumama ka pa, mag-serve ng warrant, ikaw magposas sa akin.”