Ni Freddie C. Velez

NORZAGARAY, Bulacan - Isang pulis ang napatay nang makipagbarilan ang kanyang grupo sa isang umano’y drug pusher sa Norzagaray, Bulacan nitong Linggo ng madaling-araw.

Ayon kay Supt. Gerardo Andaya, hepe ng Norzagaray Police, nasawi si PO3 Ronaldo Legaspi habang ginagamot sa Ospital ng Lungsod ng San Jose del Monte (SJDM), Bulacan nang magtamo ng apat na tama ng bala ng baril sa tiyan.

Nakilala naman ang napatay na suspek na si Rolando Bermejo Padura, alyas “Jay Ar”, 32, binata, construction worker, ng Barangay San Rafael, San Jose Del Monte.

Probinsya

Pusa hinagis sa dagat para sa content; dalawang menor de edad, timbog

Si Padura ay nakatala bilang isa sa mga priority target ng Norzagaray Police.

Sa salaysay ng pulisya, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga awtoridad sa Bgy. Tigbe nang biglang paputukan umano ni Padura ang grupo ng biktima.

Dahil dito, nakipagbarilan din ang mga pulis na ikinasawi nina Legaspi at Padura.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang isang .9mm caliber Armscor pistol, dalawang bala, 10 basyo, isang magazine na may mga bala ng .9mm, anim na sachet ng shabu, isang cellular phone at isang motorsiklo.