Ni Merlina Hernando-Malipot

Ipinagmamalaki ng Department of Education (DepEd) ang isang public school teacher mula sa bayan ng Calinog sa Iloilo na napiling isa sa top 10 finalists para sa 2018 Global Teacher Prize (GTP), na kumikilala sa mga katangi-tanging nagawa, impluwensiya at kontribusyon ng mga guro sa propesyon.

Pinuri ni Education Secretary Leonor Briones, sa isang pahayag, si Dr. Jesus Insilada, kasalukuyang principal ng Caninguan National High School (CNHS), gayundin ang iba pang teacher-nominees sa Global Teacher Prize ng Varkey Foundation ngayong taon.

“Our Global Teacher Prize finalists have proven that Filipino teachers do not only impart knowledge to their learners, they also advocate great causes such as the promotion and preservation of culture – the very soul of our nation,” ani Briones.

National

‘Life-threatening conditions’ nagpapatuloy sa ilang bahagi ng Luzon dahil kay Marce – PAGASA

Bukod kay Insilada, pasok din si Ryan Hobitan Homan – literacy champion ng San Jose Elementary School sa Donsol, Sorsogon – sa top 50 ng GTP ngayong taon.

Mula sa 30,000 nominadong guro mula sa mahigit 170 bansa, binigyang karangalan ni Insilada ang bansa nang opisyal itong ipahayag ng philanthropist na si Bill Gates noong Pebrero 14 sa YouTube channel ng Foundation.

Guro at miyembro ng Panay-Bukidnon Indigenous Peoples’ (IP) community, sinabi ng DepEd na ginagamit ni Insilada ang “culture-based teaching and inclusive learning in transforming the lives of his students.”

Itinuturing na ngayon si Insilada na “one of the 10 best teachers in the world” kasama ang finalists mula sa Turkey, South Africa, Colombia, United States, Brazil, Belgium, Australia, United Kingdom, at Norway – na pawang naghatid ng positibong pagbabago sa buhay ng mga mag-aaral at kanilang mga komunidad.

Dadalo si Insilada sa awarding ceremony sa Dubai, United Arab Emirates (UAE) ngayong buwan sa Global Education Skills Forum.

Bago maging GTP finalists, si Insilada ay nanalo ng Carlos Palanca award multiple times para sa kanyang Hiligaynon short stories. Noong 2017, tumanggap din siya ng Princess Maha Chakri Award at naging isa sa 2014 Metrobank Foundation Outstanding Teachers.