Ni Orly L. Barcala

Napahagulhol sa labis na awa sa sarili ang isang dating pulis na pumatay sa isang mag-anak sa Caloocan City may 14 na taon na ang nakalilipas, matapos siyang matunton sa kanyang pinagtataguan sa Butuan City nitong Enero 19.

Iniharap kay Caloocan City Mayor Oscar Malapitan, ang suspek na si dating PO2 Reynaldo De Castro, 53, ay naitalaga noon sa Mobile Patrol Unit ng Caloocan Police.

Sa bisa ng warrant of arrest, nadakip si De Castro sa Barangay Buhangin sa Butuan City, sa pangunguna ni Chief Insp. Enrique Torres, hepe ng Follow-Up Division, dakong 5:00 ng hapon.

'Sampalin ko siya sa publiko?' FPRRD at Trillanes nagkainitan, inambahan ng mikropono

“Nahirapan ang pag-transfer dito sa suspek kaya ngayon lang nadala sa Caloocan City from Butuan,” ayon sa alkalde.

Sa record ng Caloocan City Police, si De Castro ang itinuturong bumaril at pumatay kina Isidro Centeno Jr. dating kawani ng Environmental Sanitation Services (ESS) ng Caloocan City Hall; Letecia Centeno; at Servando Centeno noong Disyembre 24, 2004, sa Dimasalang Street, Maypajo.

Ikinatwiran ng suspek na ipinagtanggol lang niya ang sarili matapos umano siyang kuyugin ng pamilya sa kasagsagan ng kaguluhan.

Iginiit ni De Castro na nakaaway daw ng kanyang kapatid na lalaki ang pamilya Centeno kaya pati pamilya niya ay nadamay sa gulo.

“Ako po ang tumawag ng Mobile nung mga sandaling iyon, tapos ako ang napagtulungan,” ani De Castro, na 15 taon din sa serbisyo.

Humingi ng tawad si De Castro sa pamilya ng biktima.