Ni Mary Ann Santiago

Ngayong nararamdaman na ang unti-unting pag-alinsangan ng panahon, nagbabala ang Department of Health (DoH) sa publiko laban sa paglaganap ng mga sakit na nakukuha tuwing tag-init.

Ayon sa DoH, partikular na dapat pag-ingatan ng publiko ang mga sakit sa balat na madalas na maminsala kapag tag-init, gaya ng bungang-araw na dulot ng pagpapawis, sunburn, at pati na fungal infections gaya ng hadhad, buni at an-an.

Upang makaiwas sa skin diseases, ipinayo ng kagawaran ang paggamit ng mild soap na may moisturizer, at pagpapahid ng sunblock sa mukha at katawan.

Eleksyon

VP Sara, nag-eendorso raw para sa impeachment trial—solons

Kapag maalinsangan ang panahon ay madali rin umanong kumalat ang bulutong na nakakahawa, gayundin ang tigdas, na nagdulot na ng outbreak sa ilang lugar sa bansa.

Kaugnay nito, pinayuhan ng DoH ang publiko na pabakunahan ang kanilang mga anak laban sa tigdas at bulutong at iba pang nakakahawang karamdaman dahil libre naman itong ibinibigay ng kagawaran.

“We have harmless vaccines available for measles, chicken pox. Umaabot sa 500,000 ang nakakaiwas sa mga sakit kada taon dahil sa mga bakunang ito,” panawagan ni Health Secretary Francisco Duque III.

Samantala, bukod sa mga sakit sa balat, nagbabala rin ang DoH laban sa dehydration, o mabilis na pagkawala ng tubig sa katawan, na maaaring mauwi sa heat exhaustion at heat stroke, na nakamamatay kapag hindi naagapan.

Upang makaiwas sa dehydration, pinayuhan ng DoH ang publiko na ugaliing uminom ng maraming tubig at maligo nang dalawang beses isang araw.

Iwasan din umanong lumabas ng bahay sa kasagsagan ng kainitan ng araw, o mula 10:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon, ayon sa DoH.

Kung hindi naman maiiwasang lumabas ay dapat na gumamit ng pananggalang sa sikat ng araw, gaya ng sombrero, payong at iba pa.

Mas makabubuti ring magbaon ng tubig upang manatiling hydrated ang katawan.

Una nang inihayag ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Service Administration (PAGASA) na makararanas na ang bansa ng mainit na panahon sa mga susunod na araw, bagamat hindi pa ito ang pormal na pagsisimula ng tag-init sa bansa.