Ni Mary Ann Santiago

Patay ang isang empleyado ng convenience store habang sugatan naman ang angkas nito makaraang sumalpok ang kanilang motorsiklo sa center island ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) sa Tondo, Maynila, nitong Sabado ng madaling araw.

Dead on the spot si Charles Francis Asuncion, 19, ng 2492 Int. B, Rizal Avenue Extension, Sta. Cruz ng nasabing lungsod, sanhi ng matinding pinsala sa ulo.

Nilalapatan naman ng lunas sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang angkas niyang si Radja Magtoto, 20, kapwa ng 2492 Int. B, Rizal Avenue Extension, sa Sta. Cruz.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Sa ulat ni SPO3 Christopher Magabilin, ng District Tactical Operations ng Manila Police District (MPD), nangyari ang aksidente sa R. Papa Station ng LRT-1, na matatagpuan sa Rizal Avenue Extension, kanto ng Matang Tubig Street sa Tondo, dakong 3:45 ng madaling araw.

Magkaangkas sa motorsiklo ang mga biktima nang mawalan ng kontrol sa manibela si Asuncion, at tuluyan silang sumalpok sa center island.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ng ilang metro ang mga biktima at nabagok sa semento na sanhi ng agarang pagkamatay ni Asuncion.

Ayon sa ilang saksi, kapwa walang suot na helmet ang mga biktima nang maganap ang aksidente.