NAGPAKATATAG ang Wang’ s Basketball-Letran sa krusyal na sandali para madaig ang Perpetual Help, 88-83, nitong Huwebes para sa unang back-to-back win sa PBA D-League Aspirants’ Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig.

Ratsada si Rey Publico sa nakubrang 17 puntos mula sa 8-of-13 shooting at limang rebound para pangunahang ang Couriers, habang tumipa si Bong Quinto ng 14 puntos, walong rebounds, pitong assists at dalawang steals, habang nag-ambag si JP Calvo ng 12 puntos.

Nag-ambag sina Christian Fajarito at Jerrick Galanza ng tig-10 puntos, habang kumana si Bonbon Batiller ng walong puntos.

Makapigil-hininga ang huling tagpo ng final perios nang magpalitan ng pagbuslo ang magkaribal. Naidikit ni Prince Eze ang Altas, 83-84, sa hook shot may 37 segundo ang nalalabi.

Mentor era? John Amores, nagtuturo na ng 'shooting skills' sa aspiring players

Nakaganti si Bonbon Batiller sa kabilang opensa para mahila muli ang bentahe ng Couriers sa tatlong puntos bago nasundan ng dalawang free throw ni Bong Quinto para selyuhan ang panalo ng Wang’s.

Tangan ang 4-2 karta, nakisosyo ang Couriers sa Marinerong Pilipino at Akari-Adamson sa ikalawang puwesto sa likod ng solo lider Centro Escolar University (4-1).

Sa kabila ng panalo, iginiit ni Wangs Basketball-Letran coach Jeff Napa na malaki ang kakulangan at kailangang linisin sa sistema ng koponan.

“Actually, hindi pa ito ang gusto namin na tinatakbo ng team dahil talaga namang ang sama ng nilalaro pa rin namin.

Pero dahil panalo, a win is a win,” aniya.

“Pero hindi dapat kami maging ganito kapag may mabibigat na kalaban at baka hindi maging pabor samin. Kaya kailangan namin mag-double extra effort para at least maging convincing win ang mangyari samin.”

Nanguna si Edgar Charcos sa Altas (2-4) sa game-high 29 puntos, pitong rebounds, anim na assists at tatlong steals, habang kumubra si Eze ng 26 puntos at 12 rebounds.

Iskor:

Wangs-Letran (88) — Publico 17, Quinto 14, Calvo 12, Balanza 10, Fajarito 10, Batiller 8, Mandreza 6, Ambohot 4, Yu 3, Balagasay 2, Trinidad 2, Taladua 0.

Perpetual Help (83) — Charcos 29, Eze 26, Coronel 8, Peralta 8, Villanueva 6, Aurin 2, Mangalino 2, Tiburcio 2, Pido 0, Tamayo 0.

Quarterscores: 25-10; 40-38; 65-62; 88-83.