Ni Argyll Cyrus B. Geducos
Bagamat umaayos na ang relasyon ng China at Pilipinas, dapat munang patunayan ng China sa mga Pilipino na mapagkakatiwalaan ito sa pamamagitan ng pagtupad sa mga ipinangako sa gobyerno ng Pilipinas, ayon sa Malacañang.
Ito ang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque kasunod ng nabunyag sa survey ng Social Weather Stations (SWS) noong Disyembre 2017 na ang China ang ikatlo sa pinakakulelat na bansang pinagkakatiwalaan ng mga Pilipino, kasunod ng Laos at North Korea.
Ipinakita sa SWS survey na nananatiling mataas ang tiwala ng Pilipino sa Amerika at Japan.
Sa press briefing sa Paniqui, Tarlac kahapon, inihayag ni Roque na kailangan pa ng China na maihatid ang mga pangako nito sa larangan ng pagdagsa ng mga turista, kalakalan at pamumuhunan gayundin ang pagpapanatili sa ipinangakong hindi magtatayo o aangkin ng artipisyal na mga isla sa pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea.