Ni VANNE ELAINE P. TERRAZOLA, at ulat ni Leonel M. Abasola
MALAY, Aklan – Inihayag ni Department of Interior and Local Government (DILG) Officer-in-Charge Eduardo Año na sa loob ng hindi aabot sa anim na buwan ay kakasuhan ng kagawaran ang mga lokal na opisyal na mapapatunayang nagpabaya sa kanilang tungkulin upang mapanagot sa matinding karumihan ng Boracay Island.
Ito ang tiniyak ni Año makaraang paulit-ulit niyang sabihin na sinimulan na ng DILG ang imbestigasyon nito para tukuyin ang pananagutan ng mga lokal na opisyal sa pagkakapariwara ng pangunahing tourist spot sa Pilipinas at ilang beses nang kinilala bilang pinakamagandang isla sa mundo.
“We will provide all the available information, facts to the Ombudsman,” sinabi ni Año sa mga mamamahayag kasunod ng inter-agency meeting tungkol sa usapin, nitong Huwebes ng gabi.
Nang tanungin kung maisasakatuparan ito sa loob ng anim na buwang itinakda para sa paglilinis sa isla, sinabi ni Año: “Less than six months.”
MANANAGOT LAHAT
Tiniyak din ng dating chief of staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na paparusahan ang mga opisyal ng gobyerno na nagpahintulot sa operasyon ng mga negosyo sa isla kahit walang permit ang mga ito.
Dagdag pa niya, iimbestigahan din ng DILG kung paano ginagastos ng mga lokal na pamahalaan at ng gobyerno ang mga nasisingil na environmental fee.
Sa larangan ng mga negosyo, iniimbestigahan na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kung nakatutupad ang mga ito sa building codes.
Papanagutin din at ipagigiba ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga hotel at negosyo na lumabag sa 30-metrong shoreline easement.
Sinabi rin ni Año na inatasan ang Bureau of Fire Protection (BFP) na inspeksiyunin ang safety features ng mga establisimyento sa isla.
800 NEGOSYO PASAWAY
Ayon kay Año, mahigit 800 establisimyento ang nagkaroon ng iba’t ibang paglabag at mahalagang maiwasto ang mga ito.
“Lahat ng establishment na nag-violate, bigyan natin sila ng pagkakataon kung gusto nila mag-voluntary demolition.
But kung hindi, we will demolish all establishments na nag-violate,” sabi ni Año.
Bumuo na ang DILG ng 12-person special investigating team upang mag-imbestiga at maghain ng mga kaso laban sa mga kawani ng pamahalaan at mga pribadong indibiduwal na mapatutunayang nagpabaya sa environmental crisis sa Boracay.
“Sisiguraduhin naming mananagot ang dapat managot. Lahat ng may direktang kinalaman sa pag-iisyu ng permits sa mga lugar na hindi na dapat tayuan ng istruktura, pati na ang mga pribadong tao na ilegal na nagpapatakbo ng mga establisimyento at nakikipagkutsaba sa mga opisyal ay hindi makakaligtas sa imbestigasyong ito,” ani Año.
Sinisisi rin ni Senator Cynthia Villar ang mga lokal na pamahalaan sa kapabayaan sa Boracay sa usapin ng environment laws.
Sa kanyang pagdalaw sa isla, sinabi ni Villar na ang munisipalidad ng Malay ang nagpabaya sa pagdami ng hotel at iba pang establisimyento sa isla na walang sapat na daluyan ng tubig kaya nakahalo na ang tubig galing sa banyo.
Aniya, wala ring malinaw na hatian ng teritoryo sa dalawang “water provider” ng isla na nagtuturuan umano ngayon kung sino sa kanila ang may sala.
60-DAY CLOSURE
Tutol din si Villar sa panukala ni Año at ni Tourism Secretary Wanda Teo na itigil nang 60 araw ang operasyon ng isla, na saklaw ang tatlong barangay habang inaayos ang sigalot.
“Okay lang isara ‘yung mga hindi nagko-comply, pero ‘yung mga compliant bakit mo naman paparusahan? Parang gusto ko ‘yung hindi compliant ‘yun ang ipasara,” ani Villar