Ni Ariel Fernandez
Nasagip ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 12 babae sa isinagawang raid sa isang bahay sa Parañaque City, kasunod ng pagkakapigil sa apat na iba pa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1, na patungo sana sa Malaysia bilang mga turista.
Sinabi ni Atty. Bernard Dela Cruz, ng NBI-NAIA, na unang nasabat ang apat na babaeng turista patungong Malaysia na may connecting flight papuntang Jeddah, Saudi Arabia.
Matapos ang imbestigasyon, itinuro ng apat ang iba nilang kasamahan na naghihintay lang ng kanilang flights patungong Jeddah at sa iba pang bansa sa Middle East upang doon magtrabaho.
Kaagad bumuo ang grupo ang NBI-NAIA upang salakayin ang isang bahay sa Ipil Ipil Street, Valley 2, Barangay San Isidro, Parañaque, at dito nadatnan ang 12 babae na karamihan ay nagmula sa Iloilo at Cagayan De Oro, at dalawa pang caretaker na sina Louie Torre at Efren Esmenio, kapwa nasa hustong gulang.
Ayon kay Atty. Dela Cruz, bahagi ito ng kampanya laban sa mga illegal recruiter na nakalulusot sa NAIA sa pagpapanggap na turista ngunit may mga recruiter na naghihintay na sa kanila pagdating sa patutunguhang bansa.