Ni Genalyn D. Kabiling

Hinamon kahapon ng Malacañang ang mga opisyal ng National Food Authority (NFA) na magbitiw na lamang sa kanilang puwesto kung mabibigo pa rin ang mga ito na mapanatili ang supply ng abot-kaya ngunit de-kalidad na bigas sa bansa.

Pinaalalahanan ni Presidential Spokesman Harry Roque ang mga opisyal ng ahensiya na sinusubaybayan ni Pangulong Duterte ang sitwasyon at hindi rin umano mangingimi ang Presidente na “sibakin” ang mga opisyal na hindi ginagawa ang kanilang trabaho.

“Unang-una, hindi naman pala totoo ‘yung sinasabi nila na wala na talagang bigas ang ating bayan. At tama rin naman iyong posisyon ni Senator Villar na hindi dapat nagsasabi, nagdedeklara ng mga ganoong bagay, dahil nagkakaroon tuloy ng panic ang ating taumbayan,” paglilinaw ni Roque sa isang panayam sa radyo.

National

Agusan del Sur, niyanig ng magnitude 4.1 na lindol

“So, panawagan uli sa mga taong-gobyerno, lalo na ang mga itinalaga ni Presidente Duterte: Nandiyan po tayo para manilbihan sa taumbayan at kung nahihirapan po tayong manilbihan ay siguro po pupuwede nang ikonsidera ang ibang karera sa pribadong sector,” dagdag pa ni Roque.

Sa nakaraang imbestigasyon sa Senado, kinastigo ni Villar si NFA Administrator Jason Aquino sa paglikha nito ng panic nang ihayag ng ahensiya na nagkakaroon ng kakapusan sa abot-kayang bigas na nagresulta sa pagtaas ng presyo ng mga commercial rice.

Pinuna rin ni Villar, chairwoman ng Senate committee on agriculture and food, si Aquino sa kabiguang liwanagin na ang kakulangan ng NFA rice ay iba sa kakapusan ng supply ng bigas sa buong bansa.

“’Pag nalaman ni Presidente na merong kababalaghan, kahit gaano kang kalapit, sibak ka!” sabi pa ni Roque.

“Kung talagang gusto n’yo pang manilbihan sa gobyerno, gawin po ang tama, at ang Presidente ‘wag n’yo pong i-underestimate, lahat po ‘yan nakakarating sa kanya, lahat po ‘yan pinag-aaralan. Tahimik lang ‘yan, lumalabas na lang isang utos sa akin, ‘i-announce mo sibak na itong si ganito’,” sabi pa ni Roque.

Inamin din ni Roque na nagkakaroon ngayon ng bangayan sa pagitan ng mga opisyal ng NFA kaugnay ng sitwasyon ng supply ng bigas sa Pilipinas.

Aniya, pinapanigan ng Malacañang si Cabinet Secretary Leoncio Evasco, Jr., chairman ng NFA Council, na una nang pinabulaanan na may rice shortage sa bansa.