Nina LEONEL M. ABASOLA at VANNE ELAINE P. TERRAZOLA

Hiniling ni Senator Bam Aquino sa pinuno ng National Food Authority (NFA) na magbitiw na lang iti sa tungkulin sa gitna ng kabiguan ng ahensiya na mapanatiling sapat ang supply ng abot-kayang bigas sa bansa.

Ito ang naging panawagan ni Aquino kay NFA Administrator Jason Aquino kasunod ng pagdinig kahapon ng Senate Committee on Agriculture and Food kaugnay ng supply at presyo ng bigas sa bansa.

“We are talking about food security for the poorest Filipino families. We need someone who can get the job done,” sabi ni Sen. Aquino.

Probinsya

Asawa ng mastermind sa pagpatay sa mag-asawang online seller, nagpadala raw ng lechon bago ang krimen?

Nasabon ng katakut-takot na sermon ang NFA chief mula sa mga senador, partikular mula sa committee chairperson na si Sen. Cynthia Villar, nang ihayag niya ang kakapusan sa supply ng NFA rice, na nagbunsod ng pagpa-panic ng publiko at pagtaas ng presyo ng bigas sa merkado.

Sa hearing, inamin ng NFA administrator na nabigo ang ahensiya na mag-comply sa 15-araw na buffer stock policy simula noong Marso 2017.

Inamin din ng opisyal na aabot na lamang ng 1.75 araw ang kasalukuyang buffer stock ng NFA rice.

“Dahil sa kapalpakan ng NFA, tumataas ang presyo ng bigas. Isang taon nilang pinayagan na bumaba ang buffer stock natin at nagdulot ito ng pagtaas ng presyo sa merkado,” ani Sen. Aquino, idinagdag na wala nang mabiling P27/kilong NFA rice ang publiko sa ngayon.

“Ang 27 pesos per kilo ng bigas noon ay 42 pesos na. Limandaang piso ang dagdag nito sa gastusin ng pamilyang Pilipino kada buwan kung isang kilong bigas ang kanilang nakokonsumo bawat araw. Nangyari ito dahil nabigo ang NFA na mapanatili ang mandated 15-day buffer stock,” ani Aquino.

Sinabi naman ng NFA sa Senate panel na inaasahang darating sa Hunyo ang inangkat na bigas upang maiwasan ang oversupply ng bigas, dahil magsasagawa ng anihan sa Marso, Abril at Mayo.

“May tatlo pang buwan magdurusa ang ating mga kababayan sa bigas na P40 pataas ang halaga dahil hindi nagawa ng NFA ang trabaho nila,” ani Sen. Aquino.

Iminungkahi naman ni Sen. Villar sa Bureau of Customs (BoC) na i-donate na lang sa NFA ang mga nakumpiska nitong tonelada ng smuggled rice.

Hinikayat ni Villar ang NFA na hilingin kay Pangulong Rodrigo Duterte, sa pamamagitan ng executive order, na i-donate na lang sa NFA ang mga nakumpiskang smuggled rice.

Sinabi ni Villar na sa ganitong paraan ay agarang malulutas ang problema ng NFA sa kakulangan ng supply ng NFA rice.