Ni Bella Gamotea
Nagpatupad ng big-time oil price rollback ang mga kumpanya ng langis sa bansa, sa pangunguna ng Flying V, Pilipinas Shell, at Seaoil, ngayong Martes, ang una ngayong 2018 kasunod ng serye ng taas-presyo ng petrolyo.
Sa pahayag ng Flying V, epektibo dakong 12:01 ng madaling araw ng Pebrero 13 ay nagtapyas ito ng P1.30 sa kada litro ng diesel, P1 sa gasolina, at 85 sentimos naman sa kerosene.
Kaagad sinundan ng Shell at Seaoil ang kaparehong bawas-presyo sa petrolyo, na ipinatupad ng 6:00 ng umaga ngayong araw.
Samantala, tanging sa diesel at gasolina lang nagpatupad ng kaparehong rollback ang Eastern Petroleum Corp. at Phoenix Petroleum Philippines.
Ang bagong bawas-presyo sa petrolyo ay bunsod ng pagbaba ng presyuhan ng langis sa pandaigdigang pamilihan.
Sa datos ng Department of Energy (DoE), naglalaro ang bentahan ng gasolina sa P46.75-P57.77 kada litro, P43.02-P52.76 sa kerosene, at P36.90-P42.89 sa diesel.