Ni MARIVIC AWITAN
NAISAAYOS ng Arellano University at San Beda College ang championship match nang mangibabaw sa magkahiwalay na Final Four duel nitong Biyernes, sa NCAA Season 93 women’s volleyball tournament sa FilOil Flying V Center sa San Juan City.
Ginapi ng Lady Chiefs ang Jose Rizal Lady Bombers, 25-13, 25-20, 25-17, habang nanaig ang Lady Red Spikers sa Perpetual Lady Altas, 25-21, 25-15, 25-23.
Bumida sa Lady Chiefs si Sarah Verutiao, humalili sa na-injured na best setter na si Rhea Ramirez, sa naitalang career-best 39 excellent sets para makabalik ang Arellano sa championship series.
Nanguna sa Lady Red Spikers sina Maria Nieza at Maria Jiezela Viray, na kumana ng 16 at walong puntos, ayon sa pagkakasunod.
“This is the product of the team’s hard work. This team endured a lot of things,” pahayag ni San Beda Coach Messio Gavino.
Sa men’s duel, nabuhayan ang kampanya ng College of St. Benilde na maidepensa ang korona nang pabagsakin ang San Beda Red Lions, 25-16, 24-26, 25-19, 20-25, 20-18, sa first stepladder semis game.
Sa junior’s action, ginapi ng Letran ang CSB-La Salle Greenhills, 13-25, 25-23, 25-23, 20-25, 15-12, para makausad sa Final Four laban sa defending champion at topseed na University of Perpetual Help, 13-25, 25-23, 25-23, 20-25, 15-12.
Bumida si Christian Wilson de la Cruz para sa nasabing panalo ng Squires sa itinalang 26, puntos na sinundan ni John Paulo Lorenzo na tumapos na may 15 puntos.
Nabalewala ang itinalang tig-25 puntos ng mga kapangalan ni de la Cruz sa panig ng Junior Blazers na sina Arnel Christian Aguilar at Christian Dave Antonio, na sinundan ng tig-13 puntos mula kina Joezer Cantos at Eugene del Rio.