Ni Antonio L. Colina IV at Fer Taboy

Aabot sa 1,000 residente ng Barangay Langgawisan sa Maragusan, Compostela Valley ang biglaang napalikas nang lumusob sa kanilang lugar ang mga miyembro ng New People’s Army (NPA), nitong Martes ng umaga.

Ito ang kinumpirma ni Maj. Ezra Balagtey, Public Information Office chief ng Eastern Mindanao Command (EastMinCom), na nagsabing mas pinili ng mga Lumad mula sa mga Sitio Maapdo at Caloyapi, na manatili muna sa isang covered court at isang paaralan sa Barangay Coronobe.

Sa report ng militar, binabantaan umano ng mga armadong rebelde na biglang sumulpot sa lugar, mula sa Sitio Mandaopan sa Bgy. Bahi, ang mga residente, kabilang na ang mga community leader nito.

Probinsya

Atimonan mayor, kinondena pamamaslang sa 10-anyos na batang babae

Kaugnay nito, nakikipagtulungan na ngayon ang militar sa lokal na pamahalaan ng Maragusan at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng New Bataan para sa seguridad at pamamahagi ng supply ng pagkain sa mga apektadong residente.

Kinondena naman ni EastMinCom commander Lt. General Benjamin Madrigal Jr. ang insidente at nangakong maibabalik din nila ang kapayapaan sa lugar.