Nasawi ang isang 57-anyos na lalaki matapos magtamo ng matinding sugat habang nasa karagatan sa bayan ng Talibon, Bohol noong umaga ng Miyerkules, Hunyo 10, 2026.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG)-Talibon, nagsasagawa ng routine patrol ang kanilang mga tauhan sa pantalan nang mapansin nila ang isang bangkang mabilis na papalapit sa pampang.
Pagdating ng bangka, humihingi umano ng saklolo ang asawa ng biktima. Kasama ng biktima sa bangka ang kaniyang asawa at dalawa nilang anak.
Sa salaysay ng asawa, sinabi nitong nakagat umano ng pating ang kaniyang mister habang nasa dagat sila.
Nakita ng mga saksi na may malaking sugat sa kanang balikat ang biktima. Gayunman, sinabi ng mga opisyal ng Coast Guard na hindi pa nila makumpirma kung pating nga ang sanhi ng tinamong pinsala ni Gonzales.
Agad na isinugod ang biktima sa Garcia Memorial Provincial Hospital upang malapatan ng lunas, ngunit kalaunan ay idineklarang patay ng mga doktor.
Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang eksaktong pangyayari sa insidente at mapatunayan kung pag-atake nga ng pating ang pangunahing dahilan ng pagkamatay ng biktima.
Sinabi ng mga awtoridad na tinitingnan din nila ang iba pang posibleng sanhi ng sugat habang hinihintay ang resulta ng mas masusing pagsusuri sa kaso.