Ni REMY UMEREZ
NAGDESISYON na si Senator Bong Reviila na muling buhayin ang Imus Productions na itinatag ng kanyang amang si Ramon Revilla at namayagpag sa loob ng mahigit limang dekada.
Naging trademark ng Imus Productions ang pagsasapelikula ng true-to-life characters na may taglay na agimat tulad ng Nardong Putik na lalong nagpasikat kay Ramon Revilla. Kalaunan ay ipinaubaya na niya sa kanyang anak na si Bong ang pangangasiwa ng Imus Productions. Nang pasukin ni Bong ang larangan ng pulitika ay medyo dumalang ang output ng production outfit nila.
Sa muling paggiling ng kamera ay tutugunan ng Imus Productions ang layuning matulungan ang mga maliit na manggagawa ng local movie industry.
Ilulunsad bilang bida ang tatlong anak ni Bong na sina Jolo, Brian at Luigi sa isang maaksiyong trilogy na tatlo rin ang magiging director. Hindi malayong mapasama sa casting si Jodi Sta. Maria kapag pinayagan ng Star Cinema.
Sa kabila ng pagkakapiit ni Bong sa PNP Custodial Center ay magiging aktibo siya sa pagsubaybay sa anumang problemang kakaharapin ng produksiyon. Inamin din ni Bong na miss na miss niya ang paggawa ng pelikula.