Ni Ric Valmonte

HINIHIRIT sa Public Attorney’s Office (PAO) ang itigil na nito ang pagsailalim sa awtopsiya ng bangkay ng mga namatay na bata na ipinaabot sa PAO na nabakunahan ng Dengvaxia. “Pwedeng kasuhan ang magpapatigil nito,” wika ni PAO Chief Persida Acosra.

Mahirap ipahintulot itong nais mangyari na huwag ng gagawa ng awtopsiya ang PAO. Gumawa man ito ng awtopsiya, higit na mahirap pahintulutan na manahimik na lang ang PAO sa naging resulta nito. Dapat ipagpatuloy ng PAO ang kanyang ginagawa at isapubliko ang bunga nito. Mawawalan kasi ng proteksiyon ang taumbayan.

Sino ang humihirit na mag-awtopsiya, ang Department of Health (DoH)? Eh ayan na nga sa mga pagdinig na naganap na sa Senate Blue Ribbon Committee at Committee on Health, ang halos mga korektado sa departmentong ito ay tumatanggap ng honoraria mula sa Sanofi na nagbenta ng gamot sa DoH. Ang bentahan pala ng Dengvaxia ay nagdaan sa tatlong administrasyon. Nagsimula kay dating Pangulong Gloria, tumagos kina dating Pangulong Noynoy hanggang kay Pangulong Digong. Lumalabas na sa panahon ni dating Pangulong Noynoy napabilis ang transaksyon. Naibakuna na sa napakaraming kabataan na nanganganib na masawi lalo na iyong hindi pa nagkaroon ng dengue. Ang gamot kasi ay para sa may kasaysayan na ng sakit na dengue.

Pinagkakakitaan ng mga opisyal ng gobyerno ang kahirapan ng taumbayan. Ang pinaglaanan ng Dengvaxia ay mga dukhang nagnanais na mailigtas sa sakit ang mga anak upang hindi na makagastos pa sa pagpapagamot. Pero, ang dahilan dito ng gobyerno ay upang masawata ang paglaganap ng sakit.

Kung totoong hindi maganda ang kasasapitan ng mga nabakunahan na hindi pa nagkakasakit ng dengue, malamang na daigin pa ng mga ito ang mga napatay na dahil sa droga. Ang tungkol sa droga ay inimbestigahan na rin ng Senate Ribbon Committee. Tulad ng imbestigasyong ginawa rito ni Chairman Richard Gordon, ganito rin ang ginagawa niya sa Dengvaxia.

Kung sa lumabas sa Bureau of Customs (BoC) na 6.4 billion na shabu, ang pinanagot ay ang mga intsik na umano ay may-ari ng shipment at ng warehouse na pinagdalhan ng kargamento, ang mga utak nito at ang mga gumawa ng paraan upang makalabas ito sa BoC ay nakalusot o nailusot. Sa mga nakaraang pagdinig tungkol sa Dengvaxia, hindi ko alam kung saan ibabagsak ni Gordon ang sala. Nagulo ang imbestigasyon. Nagturu-turuan ang mga resource persons na may kauganayan sa pagbili at pagpapakalat at paggamit ng gamot. Malamang na mga pipitsugin din ang maiipit dito. Hindi ang Sanofi at mga kasabwat nito sa gobyerno sa maraming kadahilanan.