Ni YAS D. OCAMPO

DAVAO CITY – Pinatay ng napaulat na mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang mag-amang Lumad tribal leader makaraang pasukin sa kanilang bahay sa Talaingod, Davao del Norte kahapon, iniulat ng Eastern Mindanao Command (EastMinCom).

Sa isang pahayag, sinabi ng tagapagsalita ng EastMinCom na si Maj. Ezra Balagtey na dalawang armadong lalaki na “nagsasalita ng Tagalog” ang nagpanggap umanong sundalo at pinasok ang bahay ng dalawang lider ng tribung Lumad, ang mag-amang Datu Banadjao Mampaundag at Jhonard Mampaundag sa Sitio Igang, Barangay Palma Gil sa Talaingod, Davao del Norte.

“Medical personnel from Talaingod on board ambulance tried to give assistance to the victims but were stopped when they heard an IED explosion,” sabi ni Balagtey.

National

Bilang ex-DepEd chief: VP Sara, masaya sa naitayong museo sa Camarines Norte

Sinabi ni Balagtey na nasa pinangyarihan pa ng krimen ang bangkay ng mag-ama at hindi pa narerekober ng mga awtoridad habang sinusulat ang balitang ito.

Ayon sa EastMinCom, nasa lugar pa ang mga rebelde, at maaaring naghahandang tambangan ang mga rerespondeng awtoridad.

Hindi pa inaamin ng NPA ang pag-atake habang sinusulat ito.

Nangyari ang pag-atake ilang araw makaraang harapin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasa 1,000 tribal leader sa isang pulong sa Davao City noong nakaraang linggo.

Matatandaang nag-alok ang Pangulo ng pabahay, serbisyo, edukasyon, at suweldo sa mga Lumad na nadadamay sa away ng tropa ng gobyerno at NPA.

Inalok pa nga ng Presidente ang mga Lumad na magmiyembro sa Citizen Armed Forces Geographical Unit (CAFGU), subalit kailangang magtapos ng mga ito ng high school.

Sa nasabing pulong, sinabi rin ni Duterte sa mga Lumad na kaagad na magpasaklolo sa militar sakaling may presensiya ng mga rebelde sa kanilang lugar.