Ni Celo Lagmay
HINDI mapasusubalian ang katotohanan na hanggang ngayon, hindi lamang ang mga kabataang mag-aaral ang may masidhing hangaring magtamo ng mataas na edukasyon; maging ang katulad naming nakatatandang mga mamamayan ay uhaw sa karunungan na sana ay nakamit o ipinagkait sa amin noong panahon ng kabataan. Hangad din naming maging ‘degree holder’ at magtamo pa ng iba’t ibang karunungan para sa amin at sa aming mga mahal sa buhay.
Isa ring katotohanan na ang karamihan sa amin ay hindi nagkaroon ng pagkakataon na mapag-aralan ang mga bagay na dapat matutuhan sa mga eskuwelahan dahil sa kakapusan ng mga pangangailangan.
Sa kabila ng katotohanang ito, may pagkakataon na marami sa aming mga kahanay ang nagpatuloy ng pag-aaral. Mahirap paniwalaan, subalit kahit na sa elementary at high school ay tumuklas sila ng karunungan. Sa isang paaralan sa Bataan, halimbawa, isang halos 50 taong gulang na ginang ang nagtapos ng elementary – kasabay ang halos mga musmos at maituturing na kanyang mga apo. Ganito rin ang nasasaksihan natin sa ilang kolehiyo at unibersidad na pinagtapusan ng ilang senior citizens.
Naniniwala ako na ito ang naging batayan ng ilang civic organizations, religious groups at iba pang sektor na magtaguyod ng programa na magbibigay ng libreng edukasyon sa nakatatandang mamamayan na marapat lamang na mabigyan ng pagkakataong makapag-aral nang libre upang lalong maging kapaki-pakinabang na mamamayan.
Ang ganitong pagsisikap at mga plano ay nakaangkla sa ating Konstitusyon na nag-uutos na pagkalooban ng edukasyon ang lahat ng mamamayan kahit na ano ang kanilang edad. Maliwanag na kabilang dito ang mga senior citizens na maaaring naging masyadong abala sa higit na makatuturang gawain noong kanilang kabataan, dahilan upang hindi sila nakapag-aral.
Mabuti na lamang at nagmalasakit ang dalawang Kongresista ng Maynila – sina Rep. John Marvin Nieto at Rep. Edward Vera Perez Maceda – upang mabigyan ng libreng pag-aaral ang nakatatandang mga mamamayan. Sa House Bill no. 6109 o Free Education for Senior Citizens Act, ang nakatatandang mamamayan ay libre sa pagbabayad ng matrikula sa alinmang public schools sa bansa. Kaakibat nito ang utos sa Department of Education (DepEd) at sa Commission on Higher Education (Ched) na bumalangkas ng programa para sa implementasyon ng panukalang-batas.
Ang pagkakaloob ng edukasyon ay bahagi ng mga karapatang pantao na hindi dapat ipagkait sa sinuman. Ang nabanggit na bill, samakatuwid, ay marapat lamang na isabatas kaagad; karamihan sa kahanay naming mga senior citizens na uhaw sa karunungan ay nasa dapit-hapon na ng kanilang buhay.