Ni Francis T. Wakefield

Pinatay at pinugutan ng hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang isang dating rebelde na ngayon ay tauhan ng Civilian Armed Forces Geographical Unit (CAFGU), sa Surigao del Sur nitong Linggo.

Kinilala ng militar ang biktimang si Mar Acevedo Bocales, alyas Nerson Acevedo, miyembro ng CAFGU unit sa Los Arcos Patrol Base sa ilalim ng 9th Special Forces Company, 3rd Special Forces Battalion, may asawa at tatlong anak, at residente ng Sitio Hagimitan, Barangay Bolhoon, San Miguel, Surigao del Sur.

Brutal na pinatay si Bocales, na dating rebelde ngunit sumuko sa gobyerno, dala ang baril nito.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Ayon kay Renan, kapatid ng biktima, nakagapos ang kanyang kapatid, maraming taga sa katawan, at pugot ang ulo.

Aniya pa, natagpuan nila ang ulo ni Bocales limang metro ang layo sa katawan nito, makaraang itapon sa bangin.

Mayroon ding mga tama ng bala ng baril sa dibdib ang biktima.

“Talagang papatayin siya, kasi pinahirapan talaga nila ang kapatid ko,” sabi ni Renan.

Una rito, nagpunta ang biktima sa bundok upang maghanap ng kakaibang species ng paru-parong “alibangbang” upang ibenta sa butterfly collector, at kumita ng perang panggastos sa kanyang may sakit na anak. Sa kasawiang-palad, natunton at dinakip siya ng mga NPA.

Ayon sa report, ang biktima ay off-duty nang mangyari ang krimen.

Bago ang trahedya, ilang beses umanong binantaan ng NPA ang mga kumokontra sa kilusan sa lumad community ng pinakamabigat na parusang “SK” o “Silot Kamatayon”.