Ni Beth Camia at Aaron Cuenco

Dahil ng patuloy na pananalasa ng ashfall mula sa Mount Mayon, lalo pang dumami ang bilang ng mga residente sa Albay na tinamaan ng acute respiratory infection (ARI).

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa 1,972 na ang nagkasakit ng ARI mula sa dating 516.

Ito ay 66 percent ng 2,977 katao na binigyan ng ginamot ng Department of Health sa probinsya simula noong Enero 15.

National

Bilang ex-DepEd chief: VP Sara, masaya sa naitayong museo sa Camarines Norte

Sa 2,977 katao na binigyan ng medical attention, 459 ay may lagnat at 272 ay hypertensive.

May 149 katao ang nagtamo ng sugat at 106 ang mayroong diarrhea na karamihan ay nananatili hanggang sa ngayon sa evacuation centers.

Batay din sa NDRRMC, 22,885 pamilya o 89,109 katao ang apektado ng patuloy na pagbuga ng bulkan ng abo, lava at pyroclastic materials.

Wala pang naitatalang namatay dahil sa pag-aalburoto ng Mayon.

Ayon kay Dr. Cedric Daep, pinuno ng Albay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, ito ay sa maagang pagresponde ng mga awtoridad at sa natutunan nila sa mga nakaraang kalamidad.

“We are always in constant coordination with proper government agencies like PAGASA (Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration) and Phivolcs (Philippine Institute of Volcanology and Seismology) for us to act appropriately,” sabi ni Daep.

Nagsimula mag-alburoto ang Mayon noong Enero 13 at itinaas ang alert status sa Level 4 matapos bumuga ng abo at lava ito noong nakaraang Lunes.

Kahapon ay nagkaroon ng tatlong mahinang pagbuga ang bulkan.

Sinabi ng Phivolcs Director Renato Solidum na namamaga pa rin ang gilid ng Mayon na tanda ng patuloy na pag-akyat ng magma patungo sa bunganga nito.

“There is still a atrong pressure inside so the possibility of more hazardous eruptions or big eruption is still there,” ani Solidum.

Hindi pa matiyak ni Solidum kung hanggang kailan matatapos ang pag-aalburoto ng bulkan at maibababa ang alert level.