Ni JIMI ESCALA

MEMBER ng executive committee ng 2017 Metro Manila Film Festival si Congresswoman Vilma Santos kaya tuwang-tuwa siya sa malaking perang iniakyat ng katatapos na filmfest.

Cong. Vi copy

“Hindi mo talaga masasabing may krisis sa industriya kasi ba naman ang ganda ng kinita ng MMFF ngayon. May mga tao naman palang nanood ng palabas na gusto nila. Kung ang pelikula hindi kumita, eh, maliwanag lang na hindi sila ang gustong panoorin ng mga tao.

Human-Interest

Ang Pasko sa loob ng selda at mga munting hiling sa likod ng rehas

“Kumbaga, may choice lang naman ang mga tao kung ano ang gusto nilang panooring movie. After all sila ang nagbabayad,” sabi Ate Vi sa amin.

Kailan naman siya muling mapapanood sa pelikula ng kanyang Vilmanians?

“I guess, kung may film offers man for me ngayon, eh, hindi ko magagawa agad ‘yan. Kailangan sigurong maghintay kung kaya nilang makapaghintay. Baka kasi makakabuti kung ialok na lang ‘yun muna sa iba. Pero kung meron mang nagsasabing hihintayin nila ang availability ko, eh, desisyon nila ‘yun.

“Pero at this point talaga, eh, hindi talaga muna ako makakagawa ng pelikula considering ang trabaho ko ngayon bilang kongresista at may bahay pa ng senador plus pa siyempre ina rin ako ng dalawa kong anak na sina Luis at Christian,” katwiran ng premyadong aktres at public servant.

Paano na lang ang sinasabing offer sa kanya ng isang lady producer?

“Actually, hindi ko alam kung saan nanggagaling ang mga ideas na iyan, dahil wala naman akong natatanggap na offer na ganyan. Masakit mang isipin, kung may offer naman hindi ko rin magagawa dahil sa rami ng trabahong nasa kamay ko ngayon.

“That is one project na kailangang maghintay, kung makakapaghintay pa. Kung hindi naman, maraming ibang artistang maaaring makasama sa pelikula, hindi lang naman ako. Pag-aralan na lang nila iyong commercial viability ng pelikulang gagawin nila,” lahad ng Star for All Seasons.

Sa susunod na taon ay election period na uli, pero ipinagdiinan ni Cong. Vi na wala pa siyang plano. Hindi niya masabi kung tatakbo pa rin siya bilang kongresista o sa iba nang posisyon, pero puwede rin daw namang magpahinga muna siya sa politics.

“If you’ll remember nagkaroon ako ng political options, eh. Last term ko noon as governor inalok akong tumakbong vice president, hindi ng isa kung hindi dalawang presidentiables. Pero tinanggihan ko. Ang nasa isip ko noong una, after ng term ko as governor, magpapahinga muna ako. Baka makapag-showbiz muna. May plano akong magdirek. May plano rin naman akong mag-produce ulit.

“Pero noong malapit na ang eleksiyon, kinausap na naman ako ng partido. Baka raw kailangang tumakbo ako ulit para ma-maintain ‘yong political balance sa Batangas, at saka marami pang proyektong kailangang tapusin. Nakumbinsi nga akong tumakbo as congresswoman, with the belief na hindi naman ganoon karami ang trabaho.

“Pero ngayong isa na akong kongresista, eh, kailangan lang present ka sa mga sessions. May mga bakanteng oras, kaya hindi ba sinasabi ko sa inyo noon, baka makagawa na ako ng pelikula. Pero hindi rin nangyari iyon. Kasi hindi nga daily ang sessions, pero ang dami mo namang kailangang pag-aralan para alam mo kung ano ang pinag-uusapan sa session.

“Kailangan mo ring bisitahin palagi ang constituents mo. Kumbaga, dapat maging consistent ka na ang desisyon mo o ‘yung gagawin mo, eh, hindi opinion mo lang kung hindi may kasamang konsultasyon mula sa constituents mo,” kuwento ni Ate Vi.

May panukala na namang baguhin daw ang constitution. Pero para kay Congw. Vilma ay kailangan ang masusi at mabusising pag-aaral tungkol dito.

“Kailangan ingat tayo diyan. Hindi p’wedeng basta na lang sunod nang sunod. Lalong kailangan ang mas malalim na pag-aaral diyan. Hindi ko alam kung gaano katagal ‘yan,” may paninindigang sabi niya.