Ni Fer Taboy

Nadakip ng militar ang dalawang kapwa sugatan at hinihinalang terorista kasunod ng engkuwentrong sumiklab nang salakayin ng Philippine Army kahapon ang hideout ng mga ito sa Pagayawan, Lanao del Sur.

Nagsasagawa ngayon ng masusing imbestigasyon laban sa dalawang hindi kinilalang suspek, na nasugatan sa pakikipaglaban sa mga tauhan ng 1st Infantry Division ng Army, na sumalakay sa dalawang hideout ng mga terorista sa mga bayan ng Masiu at Pagayawan.

Sinabi ni Joint Task Force Ranao deputy commander Col. Romeo Brawner na nasa 200 ang aktibong miyembro ng mga terorista sa Lanao del Sur na pinamumunuan ng ilang kumander.

Probinsya

Magkakaibang parte ng katawan ng tao, natagpuan sa Marilaque Highway

Inihayag pa ni Brawner na patuloy ang kanilang intelligence monitoring sa lokasyon ng isang Kumander Abu Dar, na una nang nasangkot sa pagnanakaw ng milyun-milyong pisong cash sa mga bangko, subalit nakatakas umano sa kasagsagan ng digmaan ng puwersa ng gobyerno laban sa Maute-ISIS sa Marawi City noong nakaraang taon.

Kinumpirma rin ni Brawner na anim na sundalo ang nasugatan sa nasabing bakbakan, at nagpapagaling na sa ospital ang mga ito.

Nakarekober din, aniya, ang mga sundalo ng matataas na kalibre ng baril mula sa mga terorista.

Magugunitang pinasabog ng militar ang dalawang bangkang de-motor na sinakyan ng nasa 10 terorista na kanilang nakasagupa nitong Sabado ng madaling araw. Pinaniniwalaang nasawi ang lahat ng sakay sa nasabing bangka.