Ni AARON B. RECUENCO

LEGAZPI CITY, Albay – Nagpadala ang mga opisyal ng Albay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng notice of fund depletion sa gobyerno kaugnay ng patuloy na pananatili ng mga bakwit sa mga evacuation center kasabay ng muling pagdami ng lava na ibinubuga ng Bulkang Mayon.

Sinabi ni Dr. Cedric Daep, hepe ng Albay PDRRMO, na lumiham na ang kanyang tanggapan sa gobyerno upang mapabilis ang pagpapalabas ng pondo sa mga lokal na pamahalaan.

“We have already the letter and we were told that the Office of Civil Defense has already made an advance notice about our financial situation to the NDRRMC (National Disaster Risk Reduction and Management Council),” sinabi ni Daep sa Balita.

Eleksyon

TINGNAN: Listahan ng mga kandidato sa pagka-senador at party-list

SAMPUNG ARAW

Gayunman, sinabi ni Daep na bukod dito ay mayroon din silang advance notice dahil hanggang 10 araw na gastusin na lang ng evacuees ang kayang sagutin ng mga lokal na pamahalaan.

Enero 15 nang sinimulan ang paglilikas at kaagad nang pinondohan ng mga lokal na pamahalaan ang gastusin ng evacuees nang sumunod na araw.

Batay sa datos, gumagastos ang pamahalaang panglalawigan ng Albay ng P200 kada araw para sa bawat pamilya. Sa kasalukuyan, mahigit 7,000 pamilya pa rin ang nananatili sa nasa 30 evacuation center sa Ligao City, Tabaco City, Guinobatan, Daraga, Sto. Domingo, Camalig, at Malilipot.

“We are actually spending more than P1.4 million a day just for the food of the evacuees. If the Mayon activities continue for weeks or even months, imagine the fund that we need just for the food,” paliwanag ni Daep.

Bukod sa pagkain, ginagastusan din ang iba pang pangunahing pangangailangan ng mga bakwit, gaya ng gamot, hygiene kits, pagkukumpuni ng banyo, at iba pa.

Ang 10-araw na pondo ng mga lokal na pamahalaan ay nagmula sa savings ng kani-kanilang Internal Revenue Allotments noong nakaraang taon.

Ang pagsusumite ng notice of depletion ay nangangahulugang kailangan nang akuin ng pamahalaan ang gastusin ng evacuees.

WALA PANG AYUDA

Samantala, hanggang ngayon ay wala pa ring nakukuhang tulong mula sa ibang bansa ang Albay evacuees.

Ito, ayon kay Daep, ay dahil hindi pa sila pormal na humihingi ng ayuda sa kanilang mga dati nang donor.

“We told them that we can still shoulder the expenses,” ani Daep.

Gayunman, inaasahan niyang magdadatingan na ang ayuda sa mga Albayano sa mga susunod na araw, dahil na rin sa ipinadala nilang notice of fund depletion sa pamahalaan.

Sa ngayon, sinabi ni Daep na naghanda na rin ng food items ang Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Region 5 upang ipamahagi sa evacuees.