Ni Bert de Guzman

NALILITO ang taumbayan sa mga ginagawi at pahayag nina Pres. Rodrigo Roa Duterte at Jose Ma. Sison, founding chairman ng Communist Party of the Philippines (CPP). Kamakailan, nagpakita ng galit si PRRD sa kanyang dating propesor at tinawag ang CPP-New People’s Army bilang isang teroristang grupo. Sinuklian naman ni Joma ng katapat na galit at insulto ang dati niyang estudyante sa pagtawag bilang isang “madman” at terorista.

Sa interview ng MindaNews na naka-base sa Davao City noong nakaraang Lunes, sinabi ni Mano Digong na puwede siyang makipag-usap nang one-on-one kay Joma. Puwede rin daw na muling mag-usap tungkol sa kapayapaan ang gobyerno sa CPP-NPA-NDF sa kondisyong titigilan ni Sison at ng mga lider-komunista ang pag-iisyu ng “arrogant statements.”

Hindi ba sinabi noon ni PDu30 na ayaw na niyang makipag-usap ang gobyerno sa komunistang kilusan? Na handa ang gobyernong makipagbakbakan sa NPA sa susunod na 50 taon kung ito ang kanilang gusto. Nag-isyu pa siya ng proklamasyon na nagsasaad ng pagwawakas ng negosasyon.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Sa pagtanggap sa alok ni Pres. Rody na makipag-usap sa kanya, sinabi ni Sison na kung maaari, ang one-on-one meeting nila ay isagawa sa isang bansa na kapit-bahay ng Pilipinas. Isa raw welcome development ang positibong pahayag ng pangulo na mag-usap sila ng solo o one-on-one.

Sana ay matuloy ang pag-uusap ng dalawa, iwasan ang nakagagalit na mga pahayag at akusasyon, tulad ng pahayag ni Sison na “sira-ulo” ang pangulo na ginantihan naman ni PRRD, na may malubhang sakit si Joma at mapait mamatay sa ibang bansa. Habang sinusulat ko ito, mukhang ayaw na ni Joma na makipag-usap kay PRRD.

Mahirap daw makipag-usap sa isang tao na binaliw ng kapangyarihan, fentanyl at pagsusulong isa isang facist dictatorship. Ayon kay Sison, dapat daw sumailalim ang Pangulo sa psychiatric examination at ang kanyang “loro” na si Harry Roque ay dapat ding suriin ang ulo at ang bibig. Masasakit na pahayag ito.

Batay sa mga balita, pumayag ang pharmaceutical firm Sanofi Pasteur na bayaran o i-refund ang Department of Health (DoH) ng P1.4 bilyon para sa hindi pa nagagamit na Dengvaxia vaccine vials. Hiniling ni Health Sec. Francisco Duque sa Sanofi Pasteur na i-reimburse ang mga bakuna na hindi nagamit ng gobyerno sa public vaccination program nito laban sa dengue.

Sa dalawang kapulungan, higit na malaya o independent-minded ang Senado kumpara sa Kamara kaugnay ng isyu sa Charter Change o pagbabago ng Konstitusyon. Nais ng Kamara sa pamumuno ni Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez na isagawa ang pagbabago sa Saligang-Batas sa pamamagitan ng Con-Ass (Constituent Assembly), na ang Senado at Kamara ay magkasanib na magpupulong.

Kontra ang mga Senador sa gusto ng mga alipores ni Speaker Bebot na ang botohan ay magkasanib din. Ayaw ito ng mga senador sapagkat ang gusto nila ay hiwalay ang botohan ng Kamara at ng Senado. Katwiran nila, “lalamunin” lang sila ng malaking bilang ng mga kasapi ng Kamara. Mahigit sa 200 ang miyembro ng Kamara subalit ang Senado ay 22 lang dahil wala na si Alan Peter Cayetano samantalang si Sen. Leila de Lima ay nakakulong.

Naniniwala ang taumbayan at mga political observer na kahit anong sistema ng gobyerno ang italaga sa Pilipinas, wala rin itong silbi hanggang ang mga lider at namumuno sa gobyerno ay hindi para sa kabutihan, kapakanan at kagalingan ng bayan ang puso at kaisipan!