Ni Ric Valmonte

HIGIT pa sa ginawa ng Kongreso sa Tax Reform and Inclusion (TRAIN) Act, pinagana nang sagad-sagaran ng supermajority ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang makinarya nito upang ipasa ang Resolution No. 8. Dahil matagumpay na isinagasa ang nasabing Resolusyon sa Kamara, wala nang sagabal sa layunin nitong mabuo ito at ang Senado bilang Constitutional Assembly (Con-ass) na magbabago sa Saligang Batas. Nais kasing gawing pederalismo ang porma ng gobyerno, ayon kay Presidential Communication Secretary Martin Andanar, ito na lang sa limang ipinangako ng Pangulo noong panahon ng kampanya ang hindi pa natutupad.

Ang malaking balakid sa nais ng Kamara na maging Con-ass ang Kongreso ay ang Senado. Tinututulan ng mga Senador na sa pagkuwenta ng 3/4 votes ng mga mambatas upang maaprubahan ng Con-ass ang pagbabago ng Saligang Batas, sama-samang boboto ang mga Kongresista at Senador. Gusto ng mga Senador na hiwalay silang boboto bagamat kasama nila ang mga Kongresista sa pagtalakay sa mga isyung may kinalaman sa pagbabago ng Saligang Batas kung matutuloy ang con-ass. Sa bilang kasi, tagilid na ang mga senador.

Nitong nakaraang Miyerkules, nagsagawa ng public hearing ang Senate Committee on Constitutional Amendments na pinamumunuan ni Sen. Francis Pangilinan. Sa panel of resource speakers na nagalita sa Senate hearing ay sina dating Punong Mahistrado Hilario Davide, Jr. at Renato Puno. Binalaan ni dating Chief Justice Davide ang Senado na kung gagawing pederalismo ang bansa, na nais ng administrasyong Duterte, ay “mapanganib na ekspirimento na hindi akma sa Pilipinas at kanyang kasalukuyan, at maging sa mga susunod na henerasyon.”

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Samantala, sinabi naman ni dating Chief Justice Puno sa mga Senador na ang Pilipinas ay hindi naging matagumpay na demokrasya sa ilalim ng unitary form at government na ilan lang ang kapagyarihan na naisalin sa mga gobyernong lokal.

Pero, ang sabi naman ni ex-CJ Davide, may probisyon naman sa Saligang Batas tungkol dito. Pairalin lamang at matapat na sundin ang probisyon nito ukol sa local autonomy. Ang problema kasi, kung sundin man ito, hindi naman naaayon sa kanyang espiritu. Ayon kay ex-CJ Puno, ang nagpairal pa rin ay ang gobyerno na nasa Imperial Manila. Mas mabuti na gawing bahagi ng Saligang Batas ang layuning magkaloob ng social, economic at political power sa mga estadong bubuo ng pederasyon. Hindi ang government national ang magbibigay nito kundi mismong konstitusyon. Kaya, mahirap sang-ayunan ang ganitong sistema ng gobyerno dahil malayang pamamahalaan ng estado ang kani-kanilang sarili at sila mismo ang magpapasiya kung alin ang nararapat para sa kanila! Napakaliit na ng Pilipinas, binubuo ng maliliit na isla, iba’t ibang klase ng mga tao at napakaraming lengguwahe, mahahati pa lalo. Napakadali para sa mga dayuhan na tayo ay kontrolin o ihiwalay ang alinmang bahagi ng bansa.

Hindi ako magsasawang ulit-ulitin na sa kabila na ang China ay napakalaking bansa at binubuo ng malalaking isla, hindi ito naging federal. Nanatili itong unitary upang mapanatili ang kontrol ng gobyerno sa mga islang ito. Kaya, wawasakin lang natin ang ating bansa kapag tayo ay naging federal.