Ni Clemen Bautista
SA bawat pagbabago ng rehimen sa gobyerno sa iniibig nating Pilipinas, kaakibat nito ang pagsusulong ng mga pagbabago sa pamahalaan. Isinusulong ng inihalal na pangulo ng bansa. Sa pamamahala, may slogan o motto. Matatandaan na sa rehimeng Marcos, ang madalas na naririnig sa talumpati sa radyo ay ang sinabi ni dating Pangulong Marcos na, “This nation will be great again”. Naging gabay sa pamamahala. Ngunit nang umalingasaw ang katiwalian sa pamahalaan, pinairal ang martial law at binago ang 1935 Constitution. Konstitusyong “tailor made” para kay Marcos. Nagalit ang taumbayan, at ang slogan ni Marcos ay pinalitan ng “This nation will regret again”. Nagsimula ang mga kilos-protesta.
At ang rehimeng Marcos ay pinabagsak ng EDSA People Power Revolution.
Pumalit sa pamahalaan si dating Pangulong Cory Aquino. Nagwagi sa snap election. Sa kasaysayan ng ating bansa, si Pangulong Cory ang unang babaeng presidente ng Pilipinas. Palibhasa’y nasa transition period ang bansa, pinairal ang revolutionary government. Makalipas ang ilang taon, naibalik ang dating sistema ng gobyerno. Nagkaroon ng mga halalan. Sinundan ng Constitutional Convention (Con-con) upang magkaroon tayo ng Bagong Saligang Batas. Ang mga mamamayan ay naghalal ng matatalino, may integridad, makabayan at maasahang delegado sa Con-con. At ang 1987 Constitution ay isinulat ng mga delegado sa Con-con. Niratipikahan ng mga mamamayan noong Pebrero 2, 1987 sa idinaos na plebesito. Mula noon, naging maayos ang pamamahala sa ating bansa. Sa bawat pagpapalit ng rehimen, hindi naisip na susugan at palitan ang Konstitusyon at baguhin ang sistema ng ating pamahalaan.
Sa pagpasok ng rehimeng Dutere, na ang slogan noon sa political campaign ay “change is coming”, nagkaroon nga ng pagbabago nang manalo sa eleksiyon. Naglunsad ng giyera kontra droga at sa corruption. Sa nakalipas na isang taon, umabot sa mahigit 8,000 ang napatay na drug suspect sa anti illegal-drug police operation. May 13,000 suspect sa droga ang napatay at tumimbuwang din sa iba pang uri ng operasyon. Umani ng batikos ang drug war mula sa iba’t ibang sektor. Ngunit tuloy pa rin ang giyera kontra droga. Mura ang naging sagot ng Pangulo sa mga pumupuna sa giyera kontra droga.
Sa ngayon, isa pa sa pagbabagong magaganap sa Pilipinas ay ang gagawin sa ating Konstitusyon at sa sistema ng ating pamahalaan. Babaguhin at sususugan ang 1987 Constitution. Kasabay ang pagbabago sa porma ng gobyerno. Gagawing federal ang sistema ng pamahalaan. Babaguhin sa pamamagitan ng Con-Ass o Constitutional Assembly ng mga sirkero at payaso sa Kongreso.
May iba’t ibang reaksiyon ang ating mga kababayan sa pagbabago sa Konstitusyon. Karamihan sa ating mga kababayan ang nagsabing mahigit 20 taon lamang ang ating Konstitusyon ngunit nais nang baguhin. Sa pagbabago, lumulutang na umano ang interes ng mga sirkero at payaso sa Kamara.