Ni Ric Valmonte
DAHIL umano sa paglabag sa Saligang Batas, hindi na pwedeng magmay-ari ang mga dayuhan sa media, at ngayon ipinasasara ng Securities and Exchange Commision (SEC) ang Rappler, Inc. Pinapasok ng Rappler ang mga dayuhan dito para mamuhunan – North Base Media at Omidyar Network – at inisyu ito sa kanila ng Philippine Depository Slips (PDR).
Inaprubahan naman ng SEC ang nasabing transaksyon.
Nanatiling purong Pilipino ang Rappler at walang kaugnayan ang mga investors sa pagpapatakbo nito ng online news business nito, hayag ng mga matataas na opsiyal sa Rappler na sina Maria Ressa at Chang Hofilena. Isang araw pagkatapos lumabas ang kautusan ng SEC na nagkakansela ng Certificate of Registration ng Rappler at ang mga inisyu nitong PDR, dumistansiya ang Malacañang sa nasabing kautusan. Wala raw kinalaman dito ang Pangulo. Political action ang ginawa ng SEC, wika ni Ressa. Nasa likod, aniya, ang Pangulo dito. “Bakit ko ipasasara ito? Hindi ko naman kilala itong SEC. Lahat ng mga naririto ay hinirang ni Aquino,” sagot naman ng Pangulo.
Pero, sa State of Nation Address ng Pangulo noong Hulyo 2017, inakusahan ni Pangulong Digong ang Rappler na pag-aari ng mga Amerikano. Noong Oktubre, sinabi niya na pinopondohan ng Central Intelligence Agency ang Rappler. Noong Nobyembre 2017, hiniling ni Assistant Presidential Communications Secretary Mocha Uson kay Secretary Martin Andanar na alisin sa pagiging miyembro ng Malacañang Press Corps ang Rappler at ikategorya itong social media sa ilalim ng kanyang pamamahala. Ngayon maliwanag na, aminin man niya o hindi, na may kinalaman siya sa SEC order na nagpapasara sa Rappler.
Nitong Martes, matindi niyang binatikos ang Rappler bilang “oulet ng fake news” na naglalabas ng balita “na puno ng insinwasyon at kasinungalingan.”
“Dahil huwad kayong news outlet, hindi ako mamangha na ang inyong balita ay huwad din. Magdebate na tayo ngayon.
Sabihin ninyo ang aking mga kasinungalingan at sasabihin ko ang inyo,” sabi niya. “Hindi lang ibinabato ninyo sa amin ang “toilet paper” kundi maging “shit,” wika pa niya. Aniya, lumalabis na sila. Ibinalik ni Rappler’s managing editor, Glenda Gloria, sa Pangulo ang akusasyon niya sa kanila. “Alam ng Pangulo kung sino ang nagkakalat ng fake news sa bansa, siguradong hindi ang Rappler. Hindi na kailangang tumingin siya nang malayo pa sa kanyang kinalalagyan sa Malacañang,” pagsisiwalat ni Gloria.
Sa totoo lang, higit na nakakasakit ang katotohanan kaysa huwad na balita. Hindi ba totoo ang inihayag ng Rappler na “inarmasan” ng adminstrasyong Duterte ang social media upang sirain at magsagawa ng “online hate” laban sa mga nangungutya sa kanya? Ipagpalagay natin na hindi ito totoo. Bakit hindi gamitin ng adminstrasyon ang kanyang social media upang labanan ang Rappler? Hayaan ang mga ideya ay magtagisan at bahala na ang taumbayang humusga kung alin dito ang huwad na hindi nila dapat paniwalaan. Iyan ang demokrasya, clashing of ideas, ika nga. Pero, masama ang sagkahan mo ang karapatan ng iba dahil nasasaktan ka ng kanyang sinasabi. At higit na napakasama ang gamitin mo ang pwersa ng gobyerno para gawin ito. Ang gobyerno ay sa taumbayan. Ang kalayaan sa pamamahayag ay armas nila laban sa mga taong ginagamit ang gobyerno laban sa kanila.