Nina MIKE CRISMUNDO, FRANCIS WAKEFIELD, at FER TABOY

BUTUAN CITY – Limang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang napatay sa engkuwentro sa kabundukan ng Agusan del Sur at Davao Oriental, habang walong iba pa ang sumuko sa Maguindanao at Bukidnon sa nakalipas na mga araw.

Narekober ng mga tauhan ng 28th Infantry Battalion ng Philippine Army mula sa apat sa mga napatay na rebelde ang apat na armas, ilang improvised explosive device (IED), at mga gamit sa paggawa ng bomba kasunod ng bakbakan nitong Martes sa Sitio Palo Palo sa Barangay Marayag, Lupon, Davao Oriental.

Sa hiwalay na report ng militar at pulisya sa Butuan City, isa pang rebelde ang napatay habang hindi natukoy na bilang ng mga kasamahan nito ang nasugatan sa isa pang engkuwentro sa Quarry 69 sa SitioAgpan, Bgy. Imelda sa Bunawan, Agusan del Sur.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Ayon sa report, nagsasagawa ng operasyon ang dalawang platoon ng 75th Infantry Battallion sa lugar nang makasagupa ang mga armadong rebelde, na sinasabing mga miyembro ng guerilla-Front Committee 14 ng NPA Northeastern Mindanao Regional Committee.

Nagsimula ang bakbakan bandang 4:00 ng hapon nitong Linggo, at kaagad na napaurong ang NPA makalipas ang 15 minuto.

Samantala, iniulat kahapon ng militar ang pagsuko ng limang rebelde sa Ampatuan, Maguindanao nitong Martes.

Pawang miyembro ng Guerrila Front 73 ang nagsisukong sina Dany L. Daligdig, 32; Emiliano M. Tarusan, 47; Mike T. Kadingilan, 21; Marcelo M. Dampo, 49, lahat ay mula sa tribung Teduray sa Bgy. Pamantingan; at Wen M. Bilagen, 31, katutubong T’boli sa Bgy. Salumping, parehong sa Esperanza, Sultan Kudarat.

Isinuko rin ng lima ang isang homemade Springfield, isang .357 caliber, dalawang homemade M79, at isang Ingram.

Tatlo pang rebelde ang sumuko sa Army bitbit ang anim na matataas na kalibre ng baril at mga bomba sa Malaybalay City, Bukidnon.

Kinilala ni Army Capt. Norman Tagros, ng Civil Military Office (CMO), ang nagsisuko na sina alyas “Nante”, ng Guerilla Front 68; alyas “Pipoy”, ng Guerilla Front 53; at alyas “Janjan”.

Isinuko rin nila ang isang caliber .223 na kargado ng mga bala, isang .45 caliber pistol, dalawang IED, at dalawang M-16 rifle na maraming bala.