Ni ALEXANDRIA DENNISE SAN JUAN

Pormal na naghain kahapon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang grupo ng mga driver at operator ng UV Express ng petisyon para sa P2 kada kilometrong taas-pasahe, at iginiit na ito ang unang pagkakataon na humiling sila ng dagdag-pasahe sa nakalipas na mahigit 10 taon.

Naghain ng petisyon sa tanggapan ng LTFRB sa Quezon City ang Coalition of Operators, Drivers, Employees, atbp. (CODE-X), umbrella group ng mga operator ng UV Express, mahigit isang linggo makaraang magbanta ang ahensiya na kailangang sumailalim sa proseso ang alinmang plano na magtaas ng pasahe.

Inilahad ni CODE-X National President Lino Marable sa apat na pahinang petisyon ng kanyang grupo ang walong dahilan kung bakit humihiling sila ng taas-pasahe, na pangunahin dito ang inaasahang pagtataas ng operating costs dulot ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

National

Abalos, kinumpirma intensyon ni Wesley Guo na sumuko

Tinukoy ng grupo na dahilan ang pagtaas ng halaga ng petrolyo, terminal fee, presyo ng spare parts, at maging ang halaga ng “payola”.

Nagpaalala rin ang sektor ng UV Express sa LTFRB na sila “has not filed nor lodged any subsequent petition for any fare hike” simula nang pahintulutan ng LTFRB na maningil ng P2 kada kilometro noong 2006.

“Our sector, modesty aside, suffered silently and bore the brunt of these added expenses”, saad sa kanilang petisyon.

Iginiit pa ng grupo na dahil sa matinding trapiko, mula sa dating walong biyahe nila sa maghapon ay apat na lang ang naiikot nila sa ngayon.

Una nang naghain ng fare hike petition sa LTFRB ang ride-sharing service na Grab dahil din sa TRAIN law—na magpapataw ng P2.50 kada litro na excise tax sa diesel, na tataas hanggang P6 sa 2020.

Nagbanta na rin ang transport group na Pasang Masda na hihirit ng P4 dagdag sa minimum na pasahe sa jeep, habang plano rin ng mga taxi operator at driver na gawing P50 ang kasalukuyang P40 flagdown rate.