Ni Gilbert Espeña
NAGSIMULA na ang negosasyon ni Pambansang Kamao Manny Pacquiao sa posibleng pinakamalaking laban ng taon kay WBO super featherweight champion Vasyl Lomachenko na ikinokonsiderang No. 1 “pound-for-pound” fighter sa kasalukuyan.
Inihayag ni Pacquiao na posibleng labanan niya ang Ukrainian sa Abril na wala siyang gaanong trabaho sa Senado.
Sinabi naman ng ilang malapit kay Pacquiao na wala pang napagkakasunduan sa aktuwal na laban kay Lomachenko at kung saan sila magsasagupa sa United States.
“There are negotiations now about the number one pound-for-pound (boxer) which is Lomachenko,” pahayag ni Pacquiao sa panayam ng ABS-CBN.“There are still talks on the weight, reducing the weight.”
“Ang pangako ko sa mga tao, hindi ma-apektuhan ang trabaho ko. ‘Yung April, magandang idea dahil off kami ng March 23 to May 13. So April, wala kaming trabaho,” diin ni Pacquiao na magsasanay ng tatlong buwan kung itatakda ang laban.
Sinabi naman sa Las Vegas Review Journal ni Top Rank chief executive Bob Arum na gusto niyang isabak si Pacquiao sa Abril 21 kasabay ng sagupaan nina Aussie Jeff Horn laban kay mandatory contender Terrence Crawford sa Las Vegas, Navada.
“Pacquiao seems like he wants to come back, so we’re trying to get that finalized,” sabi ni Arum.
Para kay Lomachenko, naniniwala siyang nanalo si Pacquiao sa huling laban nito kay Horn ngunit iginiit niyang dapat nang magretiro ang Pilipino.
“He’s a legend. He has a very great career. He needs to finish, he needs to rest because now I think he is old. He lose his speed, he lose his all physical condition he lost. It’s age,” payo ng Ukrainian na may kartadang 10 panalo, 1 talo at napatigil ang apat na huling kalaban kabilang sina dating WBA featherweight champion Nicholas Walter ng Jamaica at ex-WBA super bantamweight titlist Guillermo Rigondeauax ng Cuba.