Ni Erik Espina
MALALIM ang dahilan kung bakit sa kasalukuyang Saligang Batas ay ganito ang nakasaad sa Artikulo 12, Seksyon 19, “Dapat regulahin o ipagbawal ng Estado ang mga monopolyo kapag kinakailangan ng kapakanang pambayan. Hindi dapat payagan ang mga kombinasyong sumusupil sa kalakalan o marayang kumpitensya”. Halimbawa, ang kumpanya ng beer o ng cell phone. Kapag pinabayaan ng estado na bilhin ng karamihan o ng lahat ang iisang produkto na mula sa iisang kumpanya, kasabay nitong lalamunin ang mga kabanggang produkto o serbisyo. Ang kadalasang resulta nito, lalaki ang interes at magiging kaawa-awa ang taumbayan.
Bakit? Una, tataas ang presyo ng nilalakong produkto o serbisyo. Pangalawa, sa pagdaan ng panahon dahil walang kakumpitensiya, nagiging pabaya ang mga naturang kumpanya at ayaw nang magsumikap ng mga ito na mas bigyan ng pakinabang ang mga mamimili kapalit ng perang ginagastos ng mga ito. Pangatlo, yumayabang ang mga higanteng kumpanya.
Kung mangyari man na magreklamo, kahit maglulupasay ka pa, hindi ka nila bibigyang pansin dahil wala silang pakialam sapagkat baligtad na ang mundo. Sila ang may hawak sa leeg mo. Masyado na kasi silang laki sa layaw, mayaman, at ang merkado ay palaruan na lamang nila. Turing ng mga ganito sa konsumer, tingi-tingi lang. Nagugunita ko noon, masayang-masaya ang mga parokyano sa serbisyo ng Destiny Cable. Mura ang taunang bayad, wala pang etse-boretseng dagdag digi-box na pilit pinabibili sa mga subscriber. ‘Di katulad sa Sky-Cable, madaming raket para lang kumita. Halimabawa, bawat channel o grupo ng channel, pinapatawan ng iba’t ibang presyo. Hindi ganun ang Destiny Cable! Kaya laking lungkot ng karamihan ng lunukin ng Sky ang ilang kaharap nito, at pati Destiny, nabili. Agarang tilamsik ng usapan – siguradong maraming “tongpats” na maaasahan. Sa Cebu katakut-takot ang reklamo sa palpak na serbisyo ng Sky Cable.
Nakakalbo sila sa pagkabuwisit dahil kadalasang nawawala ang mga channel. Kailangan pang sitahin ng ilan ang management, bago maibalik ang serbisyo. Ngunit naibalik nga, naiiba naman ang channel at kung minsan, nadaragdagan pa. At hindi alam ng management na walang bayad ‘yun! Dahil marami ang Sky, bugbog ang kableng ginagamit. Pumapangit o nawawala ang ang mga palabas. Imbes na ayusin at gumastos ang Sky, karamihan pinapabili pa ng booster.