Ni Manny Villar

SA daigdig ng modernidad, materyalismo at teknolohiya, may mga nahihirapang unawain ang dedikasyon ng mga tao sa relihiyon at espirituwalidad.

Sa Pilipinas, dalawang mahahalagang okasyon ang isinasagawa tuwing Enero na nagpapakita sa pananalig at debosyon ng mga Pilipino. Ito ang prusisyon ng Itim na Nazareno, na tinatawag na “translacion,” na isinasagawa tuwing Enero 9, at ang Pista ng Santo Niño de Tondo, tuwing ikatlong Linggo ng Enero.

Ang traslacion ang katapusan ng siyam ng araw ng nobena na nagsisimula tuwing Disyembre 31. Tinataya ng Simbahang Katoliko na umaabot sa 18 milyong Pilipino ang nakikilahok sa taunang prusisyon at iba pang aktibidad kaugnay nito.

Night Owl

Bakit Dapat Tumanggi ang Pilipinas sa Online na Pagboto

Sa taong ito, tinaya ng pulisya na mahigit anim na milyon ang nakilahok sa traslacion, na ginugunita ang paglilipat ng imahen sa simbahan ng Quiapo mula sa Intramuros noong 1787.

Hindi ganito karami ang lumalahok sa pista ng Santo Niño de Tondo, ngunit ito ang pinakamalaki at pinakahinihintay na pagdiriwang sa Metro Manila. Ito rin ang malapit sa aking puso, dahil ang simbahan ng Santo Niño de Tondo ay malapit sa dati naming tahanan.

Ang pista ay bahagi ng pambansang pagdiriwang na kinabibilangan ng Sinulog sa Cebu, Dinagyang sa Iloilo, Ati-Atihan sa Aklan at Santo Niño de Tondo, na karaniwang sinisimulan sa pamamagitan ng Lakbayaw, isang prusisyon na nilalahukan ng libu-libong deboto at mga nakikisaya mula sa Tondo at iba pang lungsod at lalawigan.

Noong aking kabataan, namamangha ako sa makulay na prusisyon at sa maraming estatwa ng Santo Niño na ipinaparada. May mga estatwang tila batang pulis, bumbero at magtataho, na isinasakay sa makulay at mabulaklak na karosa habang nagsasayaw at kumakanta ang mga taong kasama sa prusisyon.

Sariwa pa sa aking alaala ang mga aktibidad na isinasagawa ilang araw bago ang pista. Dumadalo kami sa mga misa, at tinitiyak na maganda at malinis ang mga bahay, nagluluto ng pagkain, at maraming kumpetisyon sa pag-awit, pagandahan at iba pang aktibidad.

Ang dalawang pistang nabanggit ay bahagi na ng kasaysayan ng ating bansa. Sinasabi na ang estatwa ng Itim na Nazareno ay dinala ng mga misyonerong Agustino mula sa Mehiko noong 1606.

Ang orihinal na Santo Niño naman ay sinasabing dinala ng isang manlalakbay noong 1521, na siya ring pagdating Katolisismo sa Pilipinas. Naniniwala ang mga deboto na ang Santo Niño ay gumawa ng maraming milagro, nagpagaling sa mga may sakit, at nagbigay ng biyaya.

Ito rin ang paniniwala ng mga deboto ng Nazareno. Maraming kuwento ng paggaling ng mga may sakit na gumaling pagkatapos daw magdasal sa Itim na Nazareno.

Sa aking pananaw, ang Itim na Nazareno ay kumakatawan sa pasyon, pakikipagtunggali at pananalig ng mga Pilipinong Katoliko.

Ang debosyon sa Nazareno at Santo Niño ay proklamasyon ng pananalig ng mga Pilipino, na umaasang sa pamamagitan ng pagdarasal, pananalig at mabuting gawa ay mapagtatagumpayan nila ang mga suliranin.

Sa panahong marami ang pumipila ng ilang oras upang makabili ng bagong iPhone o nakikipagsiksikan sa pamimili sa mga tindahan, nakatutuwang pagmasdan ang milyon-milyong Pilipino na nagpapahayag ng kanilang pananalig.