Ni Reggee Bonoan
NALIPAT na ba ang Mother’s Day sa Enero?
Ito ang biruan ng mga nanood sa celebrity screening ng pelikulang Mama’s Girl na binigyan ng Grade A ng Cinema Evaluation Board at Mother’s Day presentation daw.
Sa Trinoma Cinema 7 nitong Lunes ng gabi, marami kaming nakasabay na nanood na namamaga ang mga mata paglabas ng sinehan. Naalala raw nila ang kani-kanilang ina.
Kuwento ng relasyon ng mag-ina ang Mama’s Girl. Mag-isang pinalaki ng ina (Sylvia Sanchez) si Abby/Potpot (Sofia Andres). Mahal na mahal ng ina si Abby/Potpot kaya lahat ay gagawin niya para mapasaya ang anak.
Gustung-gusto ng lahat ang confrontation scene nina Ibyang at Sofia nang maabutan ng ina ang anak sa kuwarto nito na kasama ang boyfriend at nagalit nang husto sa labis na kabiguan sa inaakalang napalaki niyang maayos ang dalaga, pero hindi pala dahil wala itong respeto sa ina at sa sarili mismo.
Si Sylvia pala ang nag-suggest kay Direk Connie S. Macatuno ng eksenang iyon na humihingi ng tawad si Abby/Potpot pagpapapasok ng lalaki sa kuwarto.
“Kasi experience ko talaga ‘yun, kapag nag-aaway o pinagagalitan ko si Arjo, niyayakap niya ako at hindi niya ako titigilan hangga’t hindi ko siya kinakausap.
“’Yung sa may kama na eksena, ako rin ‘yun, kasi si Arjo kapag hindi ko talaga pinapansin, dinadaganan talaga ako para pansinin ko siya. Si Arjo kasi talaga ang lagi kong nakakaaway-nakakasagutan, kaya ‘yung eksenang hindi ako tinitigilan ni Sofia na hindi ko siya kausapin, totoong nangyari sa akin ‘yun,” kuwento ni Ibyang.
Iisa lang ang confrontation scene nina Ibyang at Sofia pero tumatak iyon nang husto sa mga manonood.
Pati ba ang pangalang Potpot ay suggestion din ni Ibyang, dahil ito rin ang tawag niya sa anak na si Ria Atayde, ‘Ria Potpot.’
“Hindi, nasa script talaga ‘yun, hindi ko naman puwedeng patanggal o paiba kasi si Gina (Marissa Tagasa) ‘yun ang tawag niya sa anak niya. Kaya sabi ko, ‘Ay, hindi lang pala ako ang may anak na Potpot ang pangalan,” sagot ng aktres.
Malinis ang pagkakadirek sa Mama’s Girl at mala-foreign movie ang estilo. Wala pa kaming napanood na local film na kapareho ng atake sa Mama’s Girl lalo na sa mga eksena ni Ibyang habang nilalambing ang anak.
Aliw na aliw din ang lahat sa pagsayaw ni Sylvia para aliwin si Abby.
May kurot sa puso ang script ni Ms. Gina, kaya marami talaga ang mga matang namaga. At nakakagulat ang twist sa karakter ni Ibyang.
Kilig na kilig at todo hiyawan pa ang loyalistang supporters nina Sofia at Diego Loyzaga. Sa mga titigan at paglalapit ng mga mukha, nakabibingi na ang mga sigawan. Aba, lalo na nang magkaroon ng kissing scene.
“Mas may kilig sila sa Mama’s Girl kaysa sa Pusong Ligaw. Siguro kasi hindi sa kanila naka-focus ang kuwento ng serye,” narinig naming komento.
Ang ganda-ganda ni Sofia sa big screen at ang guwapo ni Diego sa lahat ng eksena nila. Gayundin si Jameson Blake na bumagay sa karakter na rakista.
Mapapanood na sa mga sinehan ang Mama’s Girl simula ngayong araw, mula sa Regal Films.