Ni Mary Ann Santiago

Nagdesisyon ang Commission on Elections (Comelec) na gamitin sa 2018 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Mayo ang mga official ballot na inimprenta noong nakaraang taon.

Ayon sa Comelec, bahagi ito ng pagsisikap ng poll body na makatipid sa public funds at sa government resources.

Sa ilalim ng Resolution No. 10248, ipagagamit ng Comelec ang 59,578,346 official ballot na inimprenta mula Agosto 9, 2017 hanggang Setyembre 30, 2017, sa halalan sa National Capital Region (NCR), Luzon, at Visayas Region.

Pangalan ni Remulla, nadawit sa pekeng dokumento

Bukod dito, mag-iimprenta rin ng bago at karagdagang mga balota, at accountable at non-accountable forms para sa mga botanteng nagparehistro sa voter registration na isinagawa nila mula Nobyembre 6-30, 2017.

Sa datos ng Comelec, mayroong 843,588 voter applicant sa voter registration sa mga nasabing rehiyon ngunit hindi pa ito nabeberipika, nasesertipikahan at naseselyuhan ng Election Registration Boards (ERBs) sa List of Voters.

Samantala, naglabas na ang Comelec ng bagong calendar of activities para sa BSKE sa Mayo 14, 2018.

Alinsunod sa Comelec Resolution No. 10246, itinakda ng Comelec ang election period sa Abril 14-Mayo 21.

Sa nasabing panahon, mahigpit na ipatutupad ng Comelec ang gun ban, gayundin ang pagkakaroon ng security personnel o bodyguards ng mga kandidato, paglilipat ng mga officers at empleyado sa civil service, at pagsuspinde sa sinumang elective local officer.

Ipinagbabawal din ng poll body ang alteration o pagpapalit ng mga presinto o pagtatayo ng mga bagong presinto.

Itinakda naman ng Comelec ang paghahain ng certificates of candidacy (COC) sa Abril 14 hanggang Abril 20.

Mayroon namang siyam na araw ang mga kandidato upang mangampanya sa Mayo 4-12.

Hindi rin pinapayagan ang pag-a-appoint o paggamit ng special policemen o confidential agents; konstruksiyon o maintenance ng barangay funded roads at mga tulay, pagtatalaga o pagkuha ng mga bagong empleyado, paglikha ng mga bagong posisyon, promosyon, pagbibigay ng taas-sahod, kumpensasyon o mga pribilehiyo at iba pa.

Pinaalalahanan naman ng Comelec ang mga botante na maagang pumila sa mga polling precinct.