July 26, 2026

Home BALITA

Talak ni Sen. Robin sa prosekusyon, defense: 'Tayo ay nakaangkla sa hustisya!'

Talak ni Sen. Robin sa prosekusyon, defense: 'Tayo ay nakaangkla sa hustisya!'
Photo courtesy: Senate of the Philippines


Tumugon si Sen. Robin Padilla hinggil sa mga umano’y kritisismong natatanggap niya matapos niyang idiing hindi dapat “one-sided” ang prosekusyon.

Matandaang binitawan ng mambabatas ang nasabing pahayag sa ikasiyam na araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte noong Miyerkules, Hulyo 22.

“Sana hindi one-sided ang ating prosecution,” saad ni Sen. Robin.

MAKI-BALITA: Banat ni Senator-Judge Robin: 'Sana hindi one-sided ang ating prosekusyon!'-Balita

Sa pakikipanayam naman ng senador sa Super Radyo DZBB nitong Linggo, Hulyo 26, iginiit niyang hustisya raw ang dapat na ginagawa ng prosekusyon, ng hukom, at maging ng depensa.

“No no no no, that is wrong, mali ‘yon! Mali ‘yon, mali ‘yon kasi hindi ganoon isinulat ang ating batas, hindi ganoon isinulat ang ating hustisya,” saad ni Sen. Robin.

Aniya, “Ang hustisya ay malinaw: ang sinasabi diyan, hindi porke prosekusyon kayo, dapat puro conviction. No! Dapat ang ginagawa nila ay justice—ganoon din ang defense. Dapat, hindi puro pagtatanggol sa inyong kliyente. Dapat ang ibigay ninyo ay hustisya.”

“Ganoon din ang judge, dapat hustisya. Tayo ay nakaangkla sa hustisya. Siguro ‘yong mga abogado na nagsasabi niyan ay ginawa na nilang medalya ‘yong conviction—which is very wrong. Mali ‘yon,” dagdag pa niya.

Diin ng mambabatas, nanggaling na siya sa piitan, at nakita na raw niya ang mga umano’y maling gawi ng prosekusyon.

“Kahit pag-aralan nila mismo, bumalik sila. Ako, hindi ako abogado, pero ako galing ako sa kulungan. Nakita ko ang mga maling ginawa ng mga prosecutor…napakaraming nakakulong sa bilibid na walang kasalanan,” anang mambabatas.

Aniya, “Ang pagkukulang lang nila, idiniin sila ng mga piskal. Hindi ganiyan ginawa ang batas, hindi ganiyan ginawa ang hustisya. Hindi ka nilagay diyan para idiin ang tao—nilagay ka diyan para magbigay ng hustisya.”

“Wala akong kuwestiyon sa papel nila, pero babalik tayo doon sa ikaw ay itinalaga diyan hindi para sa conviction, itinalaga ka diyan para sa justice. Ipasok lang nila ‘yong pinag-aralan nila at kanilang sinumpaan, ‘yon lang ‘yon,” giit pa ni Sen. Robin.

Matatandaang hindi nakalampas at binuweltahan ng prosekusyon ang naging pahayag ng senador. 

KAUGNAY NA BALITA: Atty. Kapunan sa birada ni Sen. Robin na one-sided ang prosecution: 'Quote for the day!'-Balita

KAUGNAY NA BALITA: 'You can't help it!' Atty. Ligutan, aminadong isa sa mga sinita ni Sen. Padilla-Balita