Nahingan ng reaksiyon at komento si impeachment private prosecutor Atty. Lorna Kapunan hinggil sa nabanggit ni Senator-Judge Robin Padilla na tila "one-sided" daw ang House prosecution panel ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa ikasiyam na araw ng impeachment trial kay VP Sara nitong Miyerkules, Hulyo 22, sinabi ni Kapunan na "quote for the day" ang tinuran ni Padilla.
Paliwanag pa niya, ang prosecution at defense team ay parehong one-sided dahil kailangan nilang ipagtanggol ang kanilang panig.
"Yun ang quote for the day," tila natatawang saad ni Kapunan.
"Prosecution should really be one-sided. Yun ang task ng prosecution. The defense is also one-sided, because they have to prove the defense. So both sides should be one-sided," paliwanag pa ni Kapunan, habang hinihirit pang "quote of the day" ang mga naging pahayag ni Padilla.
Kung babalikan, kinuwestyon ni Padilla ang kredibilidad ng affidavit ng self-confessed Davao Death Squad (DDS) member na si Arturo Lascañas sa pagpapatuloy ng impeachment trial nitong Miyerkules.
Sa pagdinig, iginiit ni Padilla na hindi dapat pagkatiwalaan ang isang testigong naglalabas ng magkakaibang salaysay. Dahil dito, sinabi ni presiding officer at Senator-Judge Chiz Escudero na posibleng nagsinungaling ang testigo sa isa sa kaniyang mga pahayag at nagsabi ng totoo sa iba, kaya mahirap matiyak kung alin ang mapaniniwalaan.
Nanawagan din si Padilla sa House prosecution panel na iwasang iharap ang mga testigong may alegasyon ng perjury. Partikular niyang binanggit ang dalawang agents ng National Bureau of Investigation (NBI) na sina Atty. Jeremy Lotoc at John Mark Calilung na nauna nang umupo bilang testigo, subalit iginiit House lead prosecutor at Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro na kanilang natiyak na walang nakabinbing kaso laban sa mga testigong iniharap ng prosekusyon.
Nilinaw rin ni Luistro na nabanggit lamang ang International Criminal Court (ICC) kaugnay ng affidavit ni Lascañas, na muling lumutang sa pagtestigo ni NBI Director Melvin Matibag bilang bahagi ng imbestigasyon sa umano'y pagbabanta ni Vice President Duterte laban sa ilang matataas na opisyal ng pamahalaan.
Maki-Balita: Sen. Padilla, sinopla mga testigo sa impeachment na may isyu ng perjury!
Dito ay sinabi ni Padilla na tila "one-sided" ang prosecution.
"Sana hindi one-sided ang ating prosecution," aniya.
Napilitan tuloy si Escudero na magpanumbalik ng kaayusan sa korte matapos ang naging reaksiyon ng mga nasa loob ng bulwagan.