Tumirada si Senator-Judge Robin Padilla na huwag na raw mag-imbita ng mga testigong may kinakaharap na kasong perjury sa loob ng Senate impeachment trial laban kay Vice President Sara Durterte.
Sa naging pahayag ni Padilla sa impeachment trial nitong Miyerkules, Hulyo 22, 2026, sinabi niyang gumawa raw siya mismo ng panukalang magdaragdag ng sentensya sa mga testigong nagsisinungaling daw sa Korte habang may kasalukuyang hinaharap na kasong perjury.
“Ako po mismo ay gumawa din ng panukala na dapat ‘yong mga nagsisinungaling dito, ‘yong mga paiba-iba ng testimony na nagiging aming mga witness ay dagdagan dapat ang sentensya ng perjury,” pagsisimula niya.
Ani Padilla, nakikiusap daw siya sa prosecution panel na iwasan na raw ang pagbibigay ng mga testigo sa impeachment court na may kinakaharap na kaso, partikular daw kina National Bureau of Investigation (NBI) Senior Agent John Mark Calilung at NBI Regional Director Atty. Jeremy Lotoc.
“Puwede po ba na sana ay maiwasan natin ang pagbibigay ng witness na may kasong perjury. Ang sinasabi ko po ay ‘yng dalawang mahal nating witness. Si Atty. Jermy Lotoc at si NBI Agent Calilung na sa mga oras na ito ay mga kasong hinaharap na perjury,” aniya.
Dagdag pa niya, “Sana po aming mga mahal na kaibigan sa prosecution ay isipin nating mabuti bago tayo magbigay ng mga witness na may perjury na kaso, o nagkaroon kami ng dahilan na gumawa ng amyenda na itong perjury ay amyendahan.”
Depensa naman ni House Lead Prosecutor Gervill Luistro, beneripika na raw nila noon pa na walang pending na kaso laban sa mga hinarap nilang testigo na sina Calilung at Lotoc.
“Ang conviction ay hindi ground for disqualification unless it is final or unless it is punishable by more than one year and that the crime constitutes moral turpitude,” banat pa niya sa senador.
Tugon naman ni Padilla, maganda naman daw ang kasagutan ni Luistro ngunit umaasa raw siya na hindi “one-sided” o kumikiling sa isang panig ang House prosecution panel.
“Napakaganda ng inyong sagot. Sana hindi one-sided ang ating prosecution,” pagtatapos niya.
KAUGNAY NA BALITA: Rep. Luistro, pinukpok sa defense na 'di raw 'mini-trial' ginawa nila sa Justice Committee
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Erwin, humiling 'wag nang leksyunan ng senator-judges mga abogado sa impeachment!