July 24, 2026

Home BALITA National

Banat ni Senator-Judge Robin: 'Sana hindi one-sided ang ating prosekusyon!'

Banat ni Senator-Judge Robin: 'Sana hindi one-sided ang ating prosekusyon!'
Photo courtesy: Screenshot from Senate of the Philippines (FB)

Usap-usapan ang naging pagpuna ni Senator-Judge Robin Padilla na "one-sided" o nasa isang panig lamang ang prosecution team kaugnay sa impeachment trial kay Vice President Sara Duterte.

Sa ikasiyam na araw ng trial nitong Miyerkules, Hulyo 22, kinuwestyon ni Padilla ang kredibilidad ng affidavit ng self-confessed Davao Death Squad (DDS) member na si Arturo Lascañas sa pagpapatuloy ng impeachment trial nitong Miyerkules.

Sa pagdinig, iginiit ni Padilla na hindi dapat pagkatiwalaan ang isang testigong naglalabas ng magkakaibang salaysay. Dahil dito, sinabi ni presiding officer at Senator-Judge Chiz Escudero na posibleng nagsinungaling ang testigo sa isa sa kaniyang mga pahayag at nagsabi ng totoo sa iba, kaya mahirap matiyak kung alin ang mapaniniwalaan.

Nanawagan din si Padilla sa House prosecution panel na iwasang iharap ang mga testigong may alegasyon ng perjury. Partikular niyang binanggit ang dalawang agents ng National Bureau of Investigation (NBI) na sina Atty. Jeremy Lotoc at John Mark Calilung na nauna nang umupo bilang testigo, subalit iginiit House lead prosecutor at Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro na kanilang natiyak na walang nakabinbing kaso laban sa mga testigong iniharap ng prosekusyon.

Nilinaw rin ni Luistro na nabanggit lamang ang International Criminal Court (ICC) kaugnay ng affidavit ni Lascañas, na muling lumutang sa pagtestigo ni NBI Director Melvin Matibag bilang bahagi ng imbestigasyon sa umano'y pagbabanta ni Vice President Duterte laban sa ilang matataas na opisyal ng pamahalaan.

National

Ombudsman, naghain ng reklamo vs Romualdez, Co, atbp!

Dito ay sinabi ni Padilla na tila "one-sided" ang prosecution.

"Sana hindi one-sided ang ating prosecution," aniya.

Napilitan tuloy si Escudero na magpanumbalik ng kaayusan sa korte matapos ang naging reaksiyon ng mga nasa loob ng bulwagan, lalo na sa grupo ng prosecution panel.

Dahil dito, matapos ang trial, nahingan ng reaksiyon ang private prosecutor na si Atty. Lorna Kapunan tungkol sa naging pahayag ni Padilla.

Paliwanag pa niya, ang prosecution at defense team ay parehong one-sided dahil kailangan nilang ipagtanggol ang kanilang panig.

"Yun ang quote for the day," tila natatawang saad ni Kapunan.

"Prosecution should really be one-sided. Yun ang task ng prosecution. The defense is also one-sided, because they have to prove the defense. So both sides should be one-sided," paliwanag pa ni Kapunan, habang hinihirit pang "quote of the day" ang mga naging pahayag ni Padilla.

Maki-Balita: Atty. Kapunan sa birada ni Sen. Robin na one-sided ang prosecution: 'Quote for the day!'

Sa media conference naman ng prosecution panel, agad namang humingi ng paumanhin si Kapunan kay Padilla kung nakapagdulot sila ng ingay matapos mag-react sa kanilang narinig.

Aniya, bilang matagal nang litigator, "instinctive" para sa kanilang mga abogado ang mag-react nang ganoon, at wala naman daw intensyong bastusin ang senator-judge.

'Hindi na kami uulit," aniya pa.