Ipinagdiwang ng macaque monkey na si ‘Baby Punch’ ang unang kaarawan niya kasabay ng pagdagsa ng libo-libong pagbati mula sa kaniyang mga tagahanga sa iba't ibang panig ng mundo, matapos siyang maging simbolo ng katatagan at pag-asa dahil sa kaniyang kuwento.
Si Punch ay isinilang isang taon na ang nakalipas ngunit iniwan umano ng kaniyang ina ilang sandali matapos siyang ipanganak, na pinaniniwalaang dulot ng labis na pagkapagod.
Dahil dito, inalagaan siya ng mga tagapag-alaga sa Ichikawa City Zoological and Botanical Garden sa Japan.
Binigyan siya noon ng isang orangutan plush toy upang matulungan siyang mahasa ang kaniyang kakayahang kumapit, isang mahalagang kakayahan para sa mga bagong silang na macaque.
Pagkaraan ng anim na buwang espesyal na pangangalaga, isinama si Punch noong kalagitnaan ng Enero 2026 sa kulungan ng humigit-kumulang 50 iba pang unggoy.
Sa mga unang araw nito roon, madalas umano siyang itaboy ng ibang unggoy kaya't bumabalik siya sa kaniyang plush toy upang yakapin ito.
Noong Pebrero, mabilis na naging viral sa social media ang mga larawang nagpapakita kay Punch na mahigpit na yakap ang kaniyang laruan. Dahil dito, dinagsa ng libo-libong bisita ang zoo, kung saan halos kalahati ay nagmula pa sa ibang bansa. Gumamit din ang kaniyang mga tagasuporta ng hashtag na #HangInTherePunch bilang pagpapakita ng suporta.
MAKI-BALITA: KILALANIN: Sino si ‘Punch’ at bakit siya kinaantigan ng netizens?
Sa kasalukuyan, hindi na makikitang yakap ni Punch ang kaniyang plush toy. Nakikisalamuha at nakikipaglaro na siya sa iba pang mga unggoy sa kaniyang kulungan at halos hindi na maihiwalay sa kaniyang mga kapwa macaque.
Sa kabila nito, nananatili siyang paborito ng maraming bisita. Ayon sa pamunuan ng zoo, nakatanggap si Punch ng tinatayang 2,500 birthday cards mula sa loob at labas ng Japan.
Ang ilan sa mga ito ay tampok sa isang espesyal na eksibisyon na naglalaman din ng mga video ng kaniyang paglaki mula ng siya ay isilang.