Ni Ric Valmonte

SA dalawang petisyong nakabimbin sa Korte Suprema, kinuwestiyon ang constitutionality ng madugong war on drugs ng administrasyong Duterte. Ang unang petisyon ay idinulog ng Free Legal Assistance Group na humiling na pakialaman ng Korte sa ngalan ng mga “tokhang survivor” at dalawang kamag-anak na nasawi sa police operation. Ang ikalawa, ang class suit na isinampa ng Center for International Law na ang layunin ay iligtas ang pamayanan ng San Andres Bukid, sa mga pulis na umano’y pumatay na 35 naninirahan dito mula nang pairalin ang war on drugs. Sa pagdinig sa dalawang kaso, ipinaliwanag ni Solicitor General Jose Calida, abogado ng Philippine National Police (PNP), na ang operasyon nito ay legal. Dahil dito, inatasan nina Senior Associate Justice Antonio Carpio, Chief Justice Maria Lourdes Sereno, Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa, Marvic Leonen, at Samuel Martinez si Calida at ang mga opisyal ng PNP na iprisinta ang mga dokumento na may kaugnayan sa police anti-drug operations.

Ang mga dokumentong hinihingi ng Korte ay ang mga pangalan ng pulis na nagsagawa ng “Oplan Tokhang”, police operational plans at mga importanteng impormasyon kaugnay sa anti-drugs operations mula Hulyo 1, 2016 hanggang Nobyembre 30, 2017. Hinihingi rin ng Korte ang pangalan ng mga PNP crime scene investigator na nagsiyasat sa katawan ng mga napatay at kumuha ng ebidensiya sa pinangyarihan ng insidente at police investigation report ukol sa summary killings ng mga drug personalities na tinawag ng PNP na “death under investigation”.

“Nariyan naman ang mga record dahil ang mga ito ay legitimate operations,” sabi ni Carpio kay Calida. Nangako si Calida na tatalima siya sa kahilingan ng Korte para sa mga pertenenteng dokumento. Makaraan ang isang buwan, umatras si Calida. Nitong nakaraang Huwebes, natanggap ng Korte ang petisyon ni Calida na ipinawawalang-bisa ang kautusan sa kanya. Kapag, aniya, ipinakita ang mga dokumento, hindi maipagkakaila na maaapektuhan ang national security dahil nangangahulugan ito ng tagumpay o kabiguan ng mga follow up operation ng mga pulis at iba pang ahensiya, bukod sa malalagay sa panganib ang mga taong napabilang sa listahan o kaya ay nasa kustodiya na.

Night Owl

Bakit Dapat Tumanggi ang Pilipinas sa Online na Pagboto

Noong iniimbestigahan ng Senate Committee on Public Order and Drugs ang war on drugs ng Pangulo at ang mga extrajudicial killing, nangako rin si PNP Chief dela Rosa na bibigyan niya ng kopya ang komite at Commission on Human Rights ng spot report ukol sa mga naganap na pagpatay. Wala raw dahilan na itago ang mga ito dahil ang mga napatay ay bunga ng legitimate operations. Ang katwiran ni dela Rosa, ang mga napatay ay nanlaban nang sila ay hinuhuli at nasukol sa pagbebenta o paggamit ng droga. Pero, kumambiyo siya pagkatapos niyang konsultahin si Pangulong Digong at ikinatwiran din niya ang national security. Sa totoo lang, hindi ang national security ang mangaganib, ang mapapahamak ay ang operasyong nagresulta sa maramihang pagpatay kapag ipinakita nina dela Rosa at Calida ang mga dokumento. Pare-pareho kasi ang laman ng mga dokumento na parang xenerox lang.