Ni LIEZLE BASA IÑIGO, Mga larawang kuha ni JOJO RIÑOZA
LIBU-LIBONG mga residente, bisita, lokal at dayuhang turista ang nakisaya sa selebrasyon ng Talong Festival ngayong taon sa Villasis, Pangasinan.
Ang Villasis ay bantog na may pinakamalalawak na mga pataniman ng talong at iba pang mga gulay na inaangkat ng mga negosyante at isinusuplay sa mga palengke sa iba’t ibang bahagi ng Luzon.
Isa sa muli pang dinumog ang “Pinakbet sa Kawa” na laging pinakaaabangang ng bawat manonood tuwing sumasapit ang isa sa nagiging pinakabantog na festival sa Norte.
Sa “Pinakbet sa Kawa” kasi ay nagluluto ang bawat barangay ng masarap na lutuing Pinoy na ipinapakain n sa mga nanonood. Isa na ito ngayon sa mga pinag-uusapan at pinakapatok na bahagi ng pagdiriwang.
Ayon kay Villasis Mayor Nonato Abrenica, pangunahing layunin nila na maghatid ng saya sa bawat dumadalo sa festival kaya itinatampok ang kakaibang bahagi ng Talong Festival.
May tema na Festivals of the Philippines ang katatapos ma pagdiriwang kaya nasaksihan ng mga bisita at residente ang pagtatanghal sa ilan sa mga sikat na festival sa ating bansa na kinabibilangan ng Maskara Festival, Dinagyang Festival, Panagbenga, at Sinulog. Nilahukan ito ng mga estudyante mula sa iba’t ibang public elementary schools na nakasuot ng costumes ng mga bantog na Philippine Festivals.
Bahagi pa rin ng ika 13 Talong Festival ang pagkakaroon ng Queens of Talong Festival, Festival of the North (street dancing) ,101 Ways of Cooking Talong, at Float Parade.
Ang selebrasyon ay bahagi ng pasasalamat sa Diyos sa masaganang ani at bilang patuloy na promosyon sa produktong Talong na kanilang OTOP o one town one product na isa sa mga programa ng pamahalaan.