Ni REGGEE BONOAN
MATULAD kaya kay Empoy Marquez at sa pagtabo ng pelikulang Kita Kita ang kapalaran ni Carlo Aquino at ng pelikulang Meet Me in St. Gallen na pinagtatambalan nila ni Bela Padilla?
Mahusay na aktor si Carlo na maraming beses na niyang napatunayan, pero wala pa siyang pelikulang pinagbidahan na kumita nang husto sa takilya. Lagi lang kasi siyang support ng malalaking artista.
Nagmarka nang husto ang pangalang Carlo Aquino sa Bata, Bata… Pa’no Ka Ginawa? dahil sa linya niya kay Ms. Vilma Santos na, “Akala mo lang wala, pero meron, meron, meron!”
Bagamat napansin noon pa man ang kahusayan niya, ang Star for All Seasons pa rin siyempre ang bida.
Nakamit ni Carlo ang una niyang Gawad Urian Best Actor trophy sa edad na 15 sa pelikulang Kahapon, May Dalawang Bata at simula noon ay sunud-sunod na ang mga papuri sa kanya.
“Nagpapasalamat ako na ganu’n ang tingin nila sa akin, pero nahihiya ako,” sabi ni Carlo. “Personally kasi, ginagawa ko lang ang trabaho ko, at sinisigurado kong maayos ito kasi mahal ko ang industriya. Mahalaga sa akin ang trabaho ko at ayokong mawala siya sa akin, so iniiwasan kong maging pabaya. I always push myself to do my best sa bawat project na binibigay sa akin.
“May tendency kasi ako na i-doubt ang sarili ko. Nagkaroon tuloy ng time na hindi ako ganu’n ka-confident dahil may insecurities ako. Hindi ko alam kung saan nanggaling ‘yun, pero siguro kasi I started very young, and nu’ng pumasok ako sa showbiz hindi ko naman inasahan na magiging ganu’n yung takbo ng career ko. Hindi ko inasahan na magkakaroon ako ng chance na gumawa ng magagandang pelikula. Hindi ko rin inasahan ‘yung inulan ako ng papuri. Nu’ng tumanda na ako, I felt like kailangan kong ma-sustain ‘yun. Ganu’n ‘yung naging effect sa akin ng lahat ng ‘yun. Nagpapasalamat ako sa mga nabigay sa akin noon, pero hindi ko naiwasang ma-pressure dahil nga sa mga ‘yun.”
Ang rebelasyon pa ni Carlo, hindi pala niya pinangarap na maging leading man o sumikat nang pasukin niya ang showbiz.
“Ever since naman, as long as may work ako, masaya na ako. ‘Yun kasi talaga ‘yung gusto ko makapag-arte at sa pag-arte ko, maka-inspire ako ng maraming tao. Ang habol ko talaga noon is magkaroon ng connection sa mga manonood. Hindi na importante sa akin kung ako ba ‘yung bida sa isang project o hindi. Meron sigurong part of me na nangarap din maging leading man kahit papa’no, pero ayoko din kasi ‘yung pressure na kailangan mag-hit ‘yung pelikula mo kasi ikaw ‘yung bida, kung hindi...,” pagtatapat ng aktor.
Pero kahit puro papuri ang naririnig ni Carlo, may panahong nawala siya o nag-lie low sa career niya at noon niya madalas tanungin ang sarili kung, “Bakit ganun? Bakit noon, puro praises sila sa akin, ‘tapos all of a sudden parang nawala na lang ang lahat?”
Natatandaan pa namin na minsan namin siyang tinanong noon kung bakit bihira siyang tumanggap ng projects, kung namimili ba siya, pero hindi pala.
“Wala naman akong offer, eh. Nasa bahay lang ako lagi, naggigitara,” sagot niya.
Nakita pa namin minsan si Carlo na nagba-bazaar sa SM Megamall Trade Hall at naikuwento niya na wala kasi siyang trabaho kaya tumutulong muna siya sa business nila ng partner niya.
Muli siyang nakabalik sa showbiz noong 2015 sa morning seryeng We Will Survive bilang katambal ni Melai Cantiveros na pinagselosan pa ni Jason Francisco dahil naging maingay nga ang love team ng dalawa.
Tumuloy siya sa afternoon TV series na The Better Half noong 2016 na umabot ng halos ng isang taon kasama sina Shaina Magdayao, JC de Vera at Denise Laurel.
“Malaki ang pasasalamat ko sa kanilang lahat, kina Direk Ruel (Bayani) at Ms. Ginny (Ocampo), pati kay Mr. M (Johnny Manahan) na tinanggap ako ulit ng buong-buo after ilang years. Kasi kapag may naniniwala sa ‘yo, when there are people around you telling you nice things about yourself, it’s easier to ignore all your insecurities, di ba? Kaya sobrang laking bagay nu’ng binigay nilang encouragement and help sa akin noon.”
Pagkatapos ng magkasunod na teleserye, heto, gumawa ng pelikula si Carlo kasama si Bella -- ang Meet Me in St. Gallen produced ng Spring Films at distributed ng Viva Films mula sa direksiyon ni Irene Villamor na siya ring nagdirihe ng box office hit na Camp Sawi.
Natatandaan ni Carlo nang i-pitch ang pelikula sa kanya, pilit niyang tinanong ang producers ng Spring Films kung sigurado silang gusto siyang kunin para maging bida sa pelikula – ang una niya.
“When they pitched this to me, ilang beses ko silang tinanong kung sigurado ba sila na gusto nila akong kunin. Oo daw. Sabi pa nga nilang lahat sa akin, ‘Halika, sumama ka sa amin. Magiging maganda ito.’
“Nakakatuwa silang katrabaho kasi napaka-positive nilang lahat. Mahirap siya because it’s a whole new monster. First time ko nga bilang male lead. Pero sobrang thankful ako na sa akin nila binigay itong opportunity na ito,” say ng aktor.
Oo nga naman sa loob ng 26 years ni Carlo sa showbiz ay ngayon lang siya naging bida sa pelikula at sosyal pa ang shooting, sa Switzerland.
“Kay Direk Irene galing ‘yung concept (script). Nagustuhan ko siya kasi it’s not your typical romantic comedy. It also tackles moral issues. Naintriga din ako nu’ng sinabi nila sa akin na central ang dialogue dito sa pelikulang ito, to the point na kapag nag-buckle ka, or medyo matamlay ‘yung delivery mo, babagsak ‘yung buong pelikula.
“Never pa akong nakakagawa ng ganung pelikula, and naisip ko gusto ko siyang subukan, kaya ako napa-oo. Happy ako na in this lifetime, magkakaroon ako ng ganitong klaseng pelikula, at partner ko pa si Bela. Successful ‘yung mga movies niya, and she’s smart pa. Sobrang saya ko na nakatrabaho ko siya,” say ng aktor.
Ano gist ng Meet Me in St. Gallen?
“Pareho kaming musician, pero hanggang doon lang ang similarities namin. Magkaiba kami in the sense na hindi sinusuportahan ng parents ni Jesse ‘yung mga plano niya sa buhay. ‘Yung parents niya may ibang plan for his life. Ako kasi, nu’ng lumapit ako sa parents ko at sinabi ko sa kanila na gusto kong mag-artista, sinuportahan nila ako.
“Magkaibang-magkaiba ang circumstances namin ni Jesse kaya nagpatulong ako kay Direk Irene. ‘Yun naman ang gusto ko sa kanya bilang direktor, kahit ano ang itanong mo sa kanya, sasagutin ka niya.”
Sa Pebrero 7 na ang showing ng Meet Me In St. Gallen.