Ni NORA CALDERON
MASAYA ang presscon ng bagong adventure-filled fantasy series na Sirkus ng GMA Public Affairs ng GMA Network na pagbibidahan ng promising actors na sina Mikee Quintos at Mikoy Morales bilang ang kambal na sina Mia at Miko.
Ito ang pinakabagong putaheng ihahanda ng Siyete para sa televiewers.
Mapapahiwalay sila sa parents nilang sina Zoren Legaspi at Angelu de Leon at mapapasama sa circus performers na kinabibilangan nina Andre Paras, the lovable strongman na si Martel; Chariz Solomon, ang quirky clairvoyant na si Astra; Sef Cadayona, ang funny acrobat na si Al, si Klea Pineda, bilang fire-breather na si Selfira.
Makakasama rin nila si Gardo Versoza as Levitics, leader ng Sirkus Salamanca na umampon kina Mia at Miko. Si Cherie Gil naman ang gaganap na cold-hearted at vengeful na si La Ora na naghahanap sa magkapatid.
Napaiyak sina Mikee at Mikoy nang hingan ng reaksiyon sa big break na ipinagkaloob sa kanila ng GMA Public Affairs para manguna sa Sunday show. Itinutukso sa isa’t isa ang dalawa, pero hindi raw pwede dahil kambal ang role nila.
Ang isa sa mahuhusay na director ng GMA na si Zig Dulay ang nagdidirehe ng Sirkus na puring-puri ng cast dahil pinapayagan silang mag-suggest ng gagawin nila sa characters nila.
Tulad ni Klea, na nag-aral talaga kung paano maging fire-breather, na sa training ay muntik nang madilaan ng totoong apoy na gamit niya. Pinansin ng reporters na napaka-sexy ng kanyang dress, at inamin naman niyang sinasanay na niya ang sarili sa pagsusuot ng mga ganoong attire, ngayong na-gain na niya ang confidence after mag-join sa Asian Supermodel sa Saipan, USA noong nakaraang buwan.
Hindi man daw niya nakuha ang crown, umuwi naman siya na maraming natutuhan sa contest at ang Most Photogenic award.
Inamin din ni Klea na magsisimula na siyang mag-training para sumali sa Binibining Pilipinas, pero hindi niya iiwanan ang showbiz, na naging training ground niya after niyang manalo as Ultimate Female Winner ng Starstruck 6.
Nag-training din si Sef Cadayona kung paano pipilipitin ang katawan para sa show. Mai-in love daw ang audience sa kay Martel sa kabila ng malaki niyang katawan samantalang nag-immerse naman si Chariz sa mga totoong manghuhula.
Kailangan pa ba namang itanong kung ano ang gagawin ni Cherie Gil sa show? Nagpasalamat siya sa first time niyang pagganap sa ganitong role at nagpasalamat kay Fanny Serrano na gumawa ng costume at hairdress niya.
Mapapanood na ang Sirkus tuwing Sunday, simula sa Enero 21, 6:10 PM. Papalitan nila ang Road Trip na final episode na sa Sunday, January 14.