Ni Lyka Manalo
PADRE GARCIA, Batangas - Kilala bilang Cattle Trading Capital of the Philippines, isinusulong sa bayan ng Padre Garcia sa Batangas ang modernisasyon sa mga pagawaing imprastraktura, pasilidad at serbisyo.
Ayon kay Mayor Michael Angelo Rivera, nakakalap ng P371 milyon mula sa gobyerno ang kanilang lokal na pamahalaan para sa konstruksiyon ng tatlong tulay, irigasyon, pagkokonkreto sa mga kalsada, at iba pang proyektong imprastruktura.
Sisimulan na rin ang rehabilitasyon sa palengke ng munisipalidad na pinaglaanan ng P82 milyon, para gawing isa sa pinakamoderno sa Batangas ang nasabing pamilihan.
Inaasahan ding matatapos ngayong taon ang konstruksiyon ng P41-milyon community hospital, at dinagdagan pa ito ng P70 milyon para sa Phase II at sa mga bibilhing modernong medical equipments.
Patuloy pa rin ang paggawa sa mga gusali para sa pampublikong kolehiyo, at target na magkaroon ng 100 silid-aralan para sa isang state university.
Bibili rin ang munisipyo ng P10-milyon na tatlong-ektaryang lupain sa Barangay Payapa para gawing modernong sanitary landfill, habang nagpapatuloy ang pagpapaganda sa mga gusali sa municipal compound.