Ni Mary Ann Santiago
Apat na katao ang isinugod sa ospital nang masaktan sa sunog na tumupok sa mahigit 30 bahay sa isang residential area at palengke sa Barangay Kapasigan, Pasig City kahapon.
Nasugatan, nahilo at nahirapang huminga sina Relea Catacutan, 21; Maxette Alcantara, 22; Victoria Bispera, 64; at Erning Sales, 67, pawang residente sa naturang lugar.
Ayon kay Senior Insp. Jerson Montellana, hepe ng investigation division ng Pasig-Bureau of Fire Protection-Pasig, nagsimula ang apoy sa isang bahay sa Blumentritt Street na sakop ng Bgy. Kapasigan, bandang 9:45 ng umaga.
Mabilis na kumalat ang apoy sa kalapit na palengke na gawa sa light materials.
Umabot sa ikaapat na alarma ang sunog, bago idineklarang under control sa ganap na 10:50 ng umaga at tuluyang naapula bandang 11:35 ng umaga.
Tinatayang aabot sa P3 milyon ang halaga ng mga ari-ariang natupok at nasa 150 pamilya ang apektado.
Patuloy na inaalam ang sanhi ng sunog.