Ni Aris Ilagan

NAKAKAALIW pagmasdan si Undersecretary Tim Orbos, ng Department of Transportation (DOTr), habang kinakapanayam ng mga taga-media.

Nasa kainitan ng pagpapatupad ng kampanyang ‘Tanggal Bulok, Tanggal Usok’ ng I-ACT o Inter-Agency Council on Traffic nang maispatan ko si Usec Orbos sa panulukan ng EDSA-Tramo sa Pasay City kahapon.

Ito ang unang pagkakataon na nakita ko nang personal ang sikat (o kontrobersiyal) na opisyal na dating namumuno sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Abalang-abala ang opisyal habang binibigyan ng gabay ang mga traffic official sa pagpapatupad ng kampanya.

Ang unang target ng grupo ay ang mga karag-karag na jeepn na nagbubuga ng maitim na usok, may mga kalbong gulong, nahuhulog na ang mga piyesa ng sasakyan dahil sa kabulukan, at iba pa.

Sa kanilang pag-iinspeksiyon, kinikilatis din ng grupo ni Orbos ang preno, ilaw at handbrake ng saksakyan kung gumagana at maayos ang mga ito.

Subalit naglakas-loob pa rin tayong ma-interview si Usec sa kabila ng kanyang pagiging abala.

Sa simula pa lamang ng panayam, batid ko nang matalino at tapat ang naturang opisyal.

Makikilatis mo ito dahil sa kanyang pananalita at pagtingin nang diretso sa mata ng mga taga-media na kanyang kausap.

Nang pabugsu-bugso na lang ang mga tanong ng media kay Usec Orbos ay bigla akong humirit sa opisyal: “Usec, kumusta na po ba ang inyong nakatatandang kapatid?”

Biglang napangiti si Usec Tim. “Pinagtatawanan na ako ng kapatid ko!” bitaw ni Usec Tim.

Ang tinutukoy ko ay si dating Transportation Secretary Oscar Orbos na nanilbihan noong termino ni yumaong Pangulong Corazon C. Aquino noong dekada ‘80 at ‘90.

Sa tindig at pananalita, halos magkapareho ang istilo ng dalawang Orbos.

Dahil youthful pa rin ang hitsura ni Tim Orbos, inakala ko noong una na siya ay anak ni dating Kalihim Oscar Orbos.

Nagulat si Usec Tim kung bakit ko naitanong ang kanyang kapatid.

“Usec, kinober ko kasi si Secretary Oca Orbos dati sa DOTC,” bitaw ko sa opisyal.

Tandang-tanda ko pa ang sipag ni Oca Orbos sa kanyang mga tungkulin.

Dahil halos hindi na ito natutulog sa pag-aasikaso sa kanyang pangasiwaan, marami ang nagsabing insomniac si Oca Orbos.

Naging kontrobersiyal din si Oca Orbas noong panahon na iyon subalit ang mga bumabanat lang ay mga kolumnista at brodkaster.

Ngayon, kakaiba ang giyera ni Tim Orbos. And’yan na ang social media kaya “free-for-all” na ang labanan.

Sino kaya ang mas matibay sa dalawa?